MARAMI pa ring mga residente ng Maynila ang hanggang sa ngayon ay natatakot at nangangamba sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Higit isang daan sa target population sa lungsod ng Maynila ang fully vaccinated na pero may mga ilan pa rin na mga barangay sa kanilang nasasakupan ang hindi pa bakunado.
Kasama ng SMNI News team ang ilang opisyal sa Barangay 453 sa pag-iikot para hikayatin at alamin ang mga dahilan ng mga residente sa Sampaloc Maynila kung bakit hindi pa sila nagpabakuna.
Isa ang asawa ni Kagawad Corazon sa Barangay 453 ang hindi pa bakunado.
Ang dahilan, diabetic ang asawa at hindi pa napapanahon na bakunahan ito ayon sa kanyang doktor.
Pangako naman ni Aling Elvira na kapag magaling na ang kanyang braso ay magpapabakuna na ito.
Hindi rin matuloy-tuloy noon na mabakunahan si Aling Elvira dahil sya ang madalas na bantay sa kanilang tindahan.
Si Remelyn naman planong magpabakuna pagkatapos manganak sa buwan ng Marso.
Hindi kasi sya pinayagan ng kanyang asawa na magpabakuna habang nagdadalang-tao.
Aniya, baka ikakapahamak lamang sa sinapupunan ng sanggol ang bakuna.
Iginiit naman ni Chairwoman Letty de Guzman na wala silang naging pagkukulang para hikayatin ang kanyang mga nasasakupan sa barangay para magpabakuna.
Takot ang karamihang dahilan kung bakit ilan sa mga residente sa kanilang barangay ang hindi pa nababakunahan.
Inihanda na rin niya ang listahan sa kanilang lugar sa mga hindi pa bakunado na umaabot sa 36 indibidwal.
Matatandaan una nang ipinag -utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na magsumite ng listahan ng hindi pa nabakunahan kontra COVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at maayos na kalusugan ng mamamayan.
Sinabi ni DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya lahat ng barangay sa buong bansa ay dapat na magsumite nito.
Kasunod ito sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang restriksyon sa mga hindi bakunadong indibidwal.