Ilang residente sa Batangas, nangangamba at baka maulit ang 2020 Taal eruption

Ilang residente sa Batangas, nangangamba at baka maulit ang 2020 Taal eruption

NAKAALERTO pa rin ang iba’t-ibang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Batangas kasunod ng pagtataas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology  (PHIVOLCS) sa Alert Level 3 sa Bulkang Taal.

Ito’y matapos magkaroon ng phreatomagmatic eruption alas-3:00 ng hapon kahapon na sinundan naman pagsapit ng alas 6:26 hangggang 6:28 ng gabi.

Bakas sa mukha ng mga taga-Laurel, Batangas ang takot at pangamba matapos ang nangyaring pagsabog ng Bulkang Mayon dulot ng phreatic eruption o pagbuga ng makapal at maitim na usok na nagsimula alas 3:16 – alas 3:21 ng hapon.

Anila, baka maulit na naman ang kagimbal-gimbal na pangyayari noong Enero 2020 ng sumabog ang Taal na nakaapekto sa mahigit  700,000 katao sa Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila.

Mga residenteng nakatira sa loob ng ‘7km danger zone’, agad inilikas

Alas 4:00 ng hapon matapos nagkaroon ng  phreatomagmatic eruption sa Taal ay agad inilikas ng lokal na pamahalaan ng Laurel ang mga residente na nakatira sa loob ng 7km danger zone.

Kabilang dito ang ang Barangay Gulod, Boso-boso at Lakeshore Bugaan East.

Maging ang mga residente ng Barangay Bilibinwang at Banyaga sa Agoncillo ay pinalikas na din.

Batay sa datos ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nailikas ang nasa higit 3,500 pamilya  na binubuo ng 14,495 individuals.

May limang evacuation site ang munisipalidad ng Laurel, ang As-is Elementary School, Ticub Elementary School, San Gregorio Elementary School, evacuation center sa Nasugbu, Batangas at magpapatayo rin ng tent city ang LGU sa Brgy. San Gregorio.

Ang bawat evacuation center ay mayroong mga isolation area sakaling may magkasakit tulad ng sipon, ubo, at lagnat upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Papayagan namang lumabas ng evacuation center at bumalik sa lawa ang isa sa kada pamilya upang pakainin ang kanilang mga alagang isda.

Habang ipinagbabawal naman ang paglabas ng mga bata at senior citizen sa evacuation center.

Ayon kay Laurel Mayor Joan Amo, may mga nakahanda nang relief goods na magtatagal ng isang linggo at hygiene kits para sa mga inilikas na mga residente.

Bukod sa mga sasakyan ng munisipyo ay nakipag-ugnayan rin ang lokal na pamahalaan sa kapulisan at iba pang ahensya para sa karagdagang rescue vehicle.

Sinabi rin ng alkalde na hindi lang ang LGU ang handa pati na rin ang mga mamamayan ng Laurel ay alam na kung ano ang gagawin sa panahon ng sakuna.

Base sa direktiba ng lokal na pamahalaan, bawat pamilya ay naghanda rin ng pagkain na magtatagal ng tatlong araw.

Kinakailangan naman ang pagdala ng Identification Card bawat inidibidwal upang maiwasan ang pagkasama-sama ng iba’t ibang barangay.

Sa ngayon, pansamantala na ring munang itinigil ang pagbabakuna sa kanilang mga residente dahil sa kasulukuyang sitwasyon.

Suspendido na rin ang klase at pasok sa trabaho sa Pamahaalng Bayan ng Laurel ngayong araw.

Pinaaalahanan naman ng PHILVOLCS ang publiko  na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island na isang ‘permanent danger zone’ lalo na sa binisidad ng main crater at ang Daang Kastila fissure.

Ipinagbabawal rin ng ecotourism activities sa Taal Volcano Island hanggang ang alert level sa Bulkang Taal ay bababa sa Alert Level 0.

Samantala batay sa ulat ng PHIVOLCS, ang Taal Volcano ay may karagdagang phreatomagmatic eruptions  na nagtagal ng dalawang minuto at nakapagproduce ng plumes sa taas na 200 meters mula sa ibabaw ng main crater lake.

BASAHIN: Sulfur Dioxide mula sa Taal Volcano umabot na sa Metro Manila at ilang kalapit na lugar

SMNI NEWS