HINDI direktang tumama sa Metro Manila ang Bagyong Carina pero matindi ang naging pagbaha sa Metro Manila noong nakaraang linggo dahil sa walang humpay na pag-ulan dulot na rin ng hanging Habagat na pinalakas nito.
Ang mga bahang naranasan ay hanggang leeg at ang iba lagpas tao pa nga.
Tanong nila, may pa- flood control project pala pero bakit malala ang naging pagbaha?
Hindi tuloy, mapigilan ng mga taga-Maynila na magduda sa ipinagmalaking proyekto ni Marcos Jr. noong State of the Nation Address (SONA) matapos silang bahain.
‘’Laging binabaha ang Pilipinas, saan nila dinadala ang pera? Para lang sa bulsa? ‘Yon ang tanong, malaki po, bilyon bilyon, pero ganun pa rin po,’’ ayon kay Mang Ed.
‘’Siyempre DPWH nandiyan ang pera eh, sa totoo lang nandiyan ang pera e… Kahit saan naman ‘yan meron e. Kahit saan kaya hindi nagiging effective, may korapsiyon? may korapsiyon ‘yan e…. nasa bulsa na ‘yan ng politiko,’’ saad ni Noli.
‘’Pare-parehas naman tayong nagbabayad ng tax e, bakit ganun po yong nangyayari e, ‘di rin naman din po natin alam kung saan napupunta, ‘yon pong binabayad nating tax,’’ ani Mark Joseph.
‘’Nagtataka rin ako kung bakit binaha, dati nga hindi pumapasok sa loob. So nakukuwestyon ko diyan di ba may mga budget, sa mga flood control ganyan, bakit over ‘yong baha ngayon? Kulang na lang lumubog ang Maynila?’’ saad naman ni Linda.
Ang mga senador, nagtataka rin gayong bilyun-bilyong piso ang inilaang budget para sa flood control.
Bukas, araw ng Huwebes ay magkakaroon ng Senate inquiry para busisiin ang proyekto na may budget na P1-B kada araw.
‘’This will be done by Senate Committee of Works and Highways kasi in the connection with the budget, ‘yong budget for the flood control. Hinahanap nila sa budget. Ang sabi nila, 1-B a day daw ang budget sa flood control. Which is 1-B a day that’s 360-B a year. Hinahapan nila bakit tayo nagfa-flood, eh ang laki-laki ng flood control budget,’’ ayon kay Sen. Cynthia Villar.
Para sa taong 2025, ang proposed budget para sa flood control ay nasa P257-B.
Ayon kay Senate Committee on Environment Committee Chairman Sen. Cynthia Villar, dapat busisiing maigi ang panukalang pondo.
‘’Tingin ko dapat busisiin kung saan dadalhin kasi flood control budget is very big, ang iba nga pinaglilinis ng ilog, how did you know na pinaglilinis ng ilog…sisisid ka sa ilog?’’ dagdag ni Sen. Cynthia.
Ito rin ang hinaing ng mga ordinaryong Pilipino.
Ayaw na rin kasi umano nila maranasan ang mabahaan at ang malaking aberya.
‘’Sana aralin nilang mabuti, lahat naapektuhan hindi lang mahihirap. Mga negosyante, lahat ng ordinaryong tao sa nangyayring baha na ito,’’ ayon kay Linda.
‘’Sirang hassle, ang hirap noon, ‘yong mga gamit mo mauubos, tapos pagagawa ka ng bahay. Lahat perwisyo. Perwisyo talaga. Lahat naman e. ‘Yong mga bata hindi makapasok. Tapos ‘yong mga sakit pa. Leptospirosis pa. Bukod pa ‘yong nilalagnat, tinatrangkaso. Sobrang hassle,’’ ani Mang Ed.
Pero kung pagbabatayan ang naging sagot ng DPWH, tila malabo pa na maging flood-free ang Metro Manila.
‘’I think—actually, there are still many low-lying areas in Metro Manila. Ang kuwan lang natin dito is to mitigate the flooding problems in Metro Manila by way of iyong sinasabi natin, by way of implementing iyong engineering solutions and plus, of course, iyong social and environmental issues have also to be addressed actually ‘no. Kagaya niyan in Metro Manila, nasabi nga natin dito sa kuwan natin, Metro Manila is a small area with so many people so it’s overpopulated siguro at this point in time. More people, more business, more economic activities, more problems that you will get,’’ ayon kay Sec. Manuel Bonoan, DPWH.