HIRAP nang makatawid ang ilang sasakyan sa ilog ng Ditubo, Barangay Diagyan, Dilasag, Aurora dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng tubig.
Ilan sa mga residente ay hindi na rin tumutuloy sa pagtawid para sa kanilang trabaho habang ang iba naman ay pilit na sinusuong ang rumaragasang tubig ilog.
Ayon sa ilang residente, hanggang ngayon hindi pa nalalagyan ng tulay at hirap ang mga taong tumatawid sa naturang lugar lalo na’t tuwing bumubuhos ang malakas na ulan sa kanilang bayan.
Kabilang ang Isabela sa nasa ilalim ng signal number 2 base sa babala ng PAGASA dulot ng bagyong Florita na inaasahang tatama ngayong araw sa malaking bahagi ng Northern Luzon.
Nauna nang nagpaalala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga residente sa mga lalawigang tatamaan ng bagyong “Florita,” ang pang-anim na tropical cyclone na pumasok sa bansa ngayong taon.
Batay sa pinakahuling warning signal ng PAGASA, Tropical Cyclone Bulletin #10 na inisyu ngayong kaninang 5 am, August 23, patuloy pa rin ang paglakas ng bagyong Florita habang kumikilos pahilaga hilagang-silangan ng Isabela-Cagayan.
Kasalukuyang nararanasan ang heavy rains o malakas na pag-uulan sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, at Zambales.
Habang moderate to heavy sa hilagang bahagi ng Aurora, Bataan, Tarlac, at sa iba pang lugar ng Cagayan Valley.
Light to moderate na may kasamang malakas na pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, Camarines Norte, at ilang bahagi ng Central Luzon.
Pinag-iingat ng NDRRMC ang mga residente sa mga apektadong lugar sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at sa panganib ng malakas na hangin na dala ng bagyo.
Tiniyak ng NDRRMC na nakahanda ang ahensya, mga Regional DRRM Councils, mga tanggapan ng pamahalaan at mga pamahalaang lokal para sa mga posibleng sakunang dulot ng bagyo.