INAASAHAN na muling magagamit ang sistema ng PhilHealth simula Martes o sa susunod na araw.
Bagama’t apektado ang ilang sistema, tiniyak ng Philhealth na walang medical o personal records na apektado ng atake ng Medusa Ransomware.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PhilHealth, nasa 72 work stations nito ang apektado ng pag-atake ng Medusa Ransomware.
Ayon kay PhilHealth Senior Vice President for Health Finance Policy Sector Israel Francis Pargas na kabilang din sa mga apektadong sistema ay ang website, e-claims system, member portal, at collection system nito ng PhilHealth.
Dahil sa nangyaring pangha-hack, minabuti ng PhilHealth na i-shutdown muna ang lahat ng kanilang sistema at magsagawa ng manual operation.
Ito ay upang makita kung gaano kalawak ang nasabing insidente at mare-configure ang mga ito.
Pero inaasahan ani Pargas na muli nang magagamit ang ilang sistema.
“Sa ngayon, ay talaga kami ay we shifted to manual operations simula noong Biyernes hanggang ngayon. But we are expecting that by today or until tomorrow ay mai-up na namin ang ilan sa mga sistema na ito at muling magamit natin” pahayag ni Dr. Israel Francis A. Pargas, Senior Vice President, PhilHealth – Health Finance Policy Sector.
Bagama’t apektado ang ilang sistema, tiniyak ng Philhealth na walang medical o personal records na apektado ng atake ng Medusa ransomware.
Muli ring binigyang diin ng Philhealth na hindi sila magbabayad sa hinihinging $300,000 ransom o katumbas ng higit P17-M.
PhilHealth, nirereview ang access ng mga empleyadong work-from-home at nagdadala ng personal devices
Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng PhilHealth kung paano napasok ng mga hacker ang kanilang sistema.
Nire-review na rin ng state insurer ang access ng kanilang mga empleyado lalo na ang mga nagdadala ng personal devices sa kanilang opisina at maging ang mga nasa work-from-home.
“Doon sa nakita natin in our initial investigation ay mayroon pong mga computers ang ating mga empleyado na siyang napasukan or na-infect din ng itong tinatawag na virus na attack na ito. So kinakailangan din po natin ng control measures with regards to the access and use of our employees,” dagdag ni Pargas.
Kasama sa imbestigasyon sa nasabing cyber incident ang Department of Communications and Technology, ang National Privacy Commission at ang cybercrime units ng Philippine National Police at National Bureau Investigation.
Tiniyak naman ng PhilHealth na sa kabila ng nagpapatuloy na imbestigasyon ay makukuha pa rin ng mga miyembro ang mga benepisyo kung kanilang kakailanganin.