Ilang taga-Oriental Mindoro, hindi pa lubusang nakakabangon isang taon matapos ang oil spill

Ilang taga-Oriental Mindoro, hindi pa lubusang nakakabangon isang taon matapos ang oil spill

ISANG taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023.

Tumapon mula sa nasabing barko ang kargang nasa mahigit 800,000 litro ng industrial fuel oil.

Hanggang ngayon, marami pa rin sa mga taga-Oriental Mindoro ang hindi pa lubusang nakakabangon.

Isa na rito ang mangingisdang si Mang Alex mula sa Naujan.

“Hanggang ngayon hindi pa masyado nakakarekober ang mga mangingisda sa amin. Kasi nung maka-ano po ang oil spill, nagtag-Amihan naman. Season ng Amihan, taglakas sa amin. Kaya halos hindi pa rin nakakarekober ‘yung taga sa amin, sa taga Naujan. Lahat ng coastal barangay ng Naujan halos hirap pa rin hanggang sa ngayon,” ayon kay Alex Paala, mangingisda sa Naujan.

Bukod sa bayan ng Naujan, naperwisyo rin ang iba pang bayan sa Oriental Mindoro kabilang na ang Pola, Pinamalayan, Gloria, Mansalay, at Calapan.

Batay sa ulat ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) pumalo sa mahigit P41.2-B ang pinsalang dulot ng oil spill sa probinsiya.

Ayon sa CEED nasa P1.1-B ang halaga ng nasira ng oil spill sa socio-economic sector, habang tinatayang nasa P40.1-B naman ang pinsala nito sa kapaligiran.

“Kung titingnan natin ang ekonomiya talaga ng Mindoro, marami pang dapat gawin dahil alam naman natin lalong-lalo na ‘yung pangingisda. Iyan ‘yung isa sa mga pinakamahirap nating sektor,” ayon kay Usec. Ariel Nepomuceno, Administrator, Office of the Civil Defense.

Ayon pa kay Civil Defense Administrator Usec. Ariel Nepomuceno, tinitingnan na ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Science and Technology (DOST) ang iba pang mga puwedeng pagkakakitaan ng mga apektadong residente.

Mabilis na pagbibigay ng danyos sa mga apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan

Hiling lamang ng mga taga-Oriental Mindoro gaya ni Mang Alex ang mabilis na pamamahagi ng danyos na anila’y malaking tulong sana sa kanilang pagbangon.

“Yung ayuda ng oil spill, ‘yung danyos, hanggang ngayon hindi pa dumadating. Hindi pa nakukuha. Halos tatlong barangay pa rin ang hindi nakakakuha sa Naujan,” giit ni Paala.

“Kaya hindi na dadaan ngayon sa provisional payment. Diretso na tayo ngayon ay final payment na. Kaya wala na tayong dadaanang provisional payment,” ayon kay Gov. Humerlito Dolor, Oriental Mindoro.

Sa ngayon, ayon kay Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor, nasa 10,000 libong residente pa ang hindi nakatatanggap ng danyos.

Pero wala aniya naman umano dapat ikabahala ang residente na baka hindi sila matanggap ng danyos basta’t nakapagsubmit sila ng claim forms at ebidensiya ng pinsala ng oil spill sa kanila.

Oriental Mindoro, nagsampa na ng kaso laban sa mga nasa likod ng mapinsalang oil spill

Samantala, opisyal nang nagsampa ng criminal complaint ang Oriental Mindoro laban sa may-ari ng MT Princess Empress at ilang opisyal ng ahensiya ng gobyerno gaya ng mga nasa Maritime Industry Authority (MARINA).

Ito ay ayon kay Dolor para mapanagot ang mga nasa likod ng mapinsalang oil spill.

“Inuna ng pamahalaang panlalawigan ang welfare ng mga mamamayan natin. Ngayon, ang mamamayan ay nakabalik na sa normal na kanilang pamumuhay ang kailangan na natin ngayon, managot na ‘yung dapat managot. Tsaka timing iyan eh,” giit pa nito.

SMNI, kinilala ng Oriental Mindoro sa naging kontribusyon nito sa oil spill response

Nitong Biyernes ng hapon, kinilala naman ng Provincial Government ng Oriental Mindoro ang mga indibidwal at iba’t ibang grupo na tumulong para sa mabilis na pagresponde sa insidente at pagrekober ng probinsiya.

Kabilang na rito ang mga iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, mga taga-pribadong sektor, at media.

Isa sa mga kinilala ang Sonshine Media Network International (SMNI).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble