NASAMPOLAN ang ilang truck na sagabal sa service road ng Delpan sa Maynila sa ikinasang inter-agency clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).
Umagang-umaga ng Martes ay mabigat na ang daloy ng trapiko sa service road ng Delpan sa Lungsod ng Maynila.
Hirap na makadaan ang ilang mga cargo truck bitbit ang mga produkto patungo at palabas ng port area.
Ito ay dahil lamang sa isang truck na iligal na nakaparada at iniwan pa ng driver.
Isa ito sa punterya ng Metropolitan Manila Development Authority, Department of Interior and Local Government at Manila Police District sa kanilang inter-agency clearing operations.
Aminado si MMDA Acting Chairman Romando Artes na hindi sapat ang kakayahan ng ahensya para humatak ng mga malalaking sasakyan tulad na lamang ng mga cargo truck.
Kaya aniya bibili sila ng karagdagang kagamitan upang mas mapaigting ang operasyon ng ahensya.
Bibilhan din aniya ang mga MMDA enforcers ng body cameras.
Binigyang diin naman ng DILG ang mahalagang papel ng mga barangay sa pagpapanatili ng maayos na daloy ng trapiko sa nasabing kalsada.
Babala ni DILG Usec. Felicito Valmocina na mananagot ang mga kapitan na magiging pabaya sa kanilang mga tungkulin kung saan kakasuhan ang mga ito.
Nakahanda naman ang Manila Police District na umasiste upang mapanatili ang peace and order habang isinasagawa ang mga clearing operations.