NAGPAPATULOY ang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga gumagawa at nagbebenta ng iligal na paputok ngayong holiday season.
Ayon kay PNP Firearms and Explosives Office (FEO) chief Police Colonel Paul Kenneth Lucas, may natanggap silang impormasyon na may supplier ng paputok mula China ang nagre-repack upang palabasin na gawa ito sa bansa.
Kasabay nito, nagsasagawa ng follow-up operations ang kanilang Regional Civil Security Service Units sa Central Luzon at Central Visayas.
Sinabi ni Lucas na mahigpit itong ipinagbabawal at may karampatang parusa sa ilalim ng batas.
Nakapagsampa na rin ang pulisya ng kaso laban sa 10 gumagawa at nagbebenta ng iligal na paputok sa Bulacan.
Matatandaang ipinag-utos ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang mahigpit na pagbabantay sa bentahan ng paputok para na rin sa kaligtasan ng publiko.