Illegal logging, pangunahing dahilan ng matinding pagbaha sa Lanao del Norte

Illegal logging, pangunahing dahilan ng matinding pagbaha sa Lanao del Norte

ILLEGAL logging ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit matindi ang pagbaha sa Lanao del Norte partikular na sa munisipalidad ng Tubod.

Ito ang paglalahad ni Tubod Mayor Jimmy Cabahug sa panayam nito sa SMNI Nightline News.

Dahil dito, inililipat na ng local government unit (LGU) sa mga kabundukan ang mga miyembro ng CAFGU upang bantayan ang lugar mula sa mga illegal loggers.

Binigyang-diin na rin ng provincial government ang kahalagahan ng government intervention laban sa mga illegal logging.

Hindi rin binalewala ng Lanao del Norte ang kahalagahan ng pagtanim ng mga puno upang mabawasan ang matinding epekto ng mga pag-ulan sa lugar.

“Dito po kasi sa Lanao del Norte, we are really in need.. we need to plant trees talaga kasi lately, especially ngayon, panahon ngayon- climate change. Mayroon po tayong illegal loggers. Pero naregulate na sila sir. And we do hope na ma-kontrol talaga itong pag-iligal na pagpuputol ng kahoy sa amin. At magtanim naman, pag-encourage po na magtanim ng puno para maiwasan po ang sakuna like this po,” ayon kay Zoila Maxine Esic – PIO, Lanao del Norte.

Ayon sa provincial government, lahat ng munisipalidad sa Lanao del Norte ay nakaranas ng malakas na pag-ulan nitong Lunes.

Nagsimulang tumaas ang baha bandang hatinggabi matapos ang red alert rainfall warning mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Pero walo rito ay tuluy-tuloy na nakararanas ng malakas na ulan na nagresulta ng malawakang pagbaha at landslide.

Nasa higit dalawang libong pamilya sa probinsiya ang apektado ng pagbaha kung saan ang pinakamarami ay sa Tubod, Lanao del Norte.

Sa ngayon tatlo na ang napaulat na nasawi dahil sa pagbaha kabilang ang isang 8 years old na babae, 44 years at 6 years old na mga lalaki.

7 paaralan naman sa Lanao del Norte ang lubog pa rin ngayon sa baha.

Follow SMNI NEWS in Twitter