Illegal mining operations sa Camarines Norte, inirekomendang ipasasara

INIREKOMENDA ng Philippine National Police (PNP) na ipasasara ang lahat ng illegal mining operations sa Camarines Norte.

Ito’y matapos madiskubre na ginamit ng teroristang New People’s Army (NPA) ang improvised explosive devices (IEDs) sa nakaraang linggong engkuwentro ng mga ito sa mga pulis opisyal sa Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte.

Ang nasabing mga IED ay mula sa mga illegal mining sites sa nasabing lugar na kilala sa mga small-scale na pagmimina ng ginto.

Ang engkuwentro ay nagdulot ng pagkasawi ng limang pulis opisyal at sugatan naman ang dalawa pa.

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Maj. Gen. Albert Ignatius Ferro, narekober sa isinagawang clearing operations ang 75 IEDs na may iba’t ibang laki at limang Molotov petrol bombs.

Narekober din sa lugar ang isang rolyo ng firing wire, 43 non-electric blasting caps, dalawang baterya, at isang electric blasting cap.

Kinondena naman ng pamahalaan ang nasabing pag-atake ng mga komunistang grupo.

(BASAHIN: All-out war laban sa rebelde at terorista, napapanahon na — NTF-ELCAC)

Sa kasalukuyan, ginagawa sa nasabing barangay ang farm-to-market road na magbibigay ng kaunlaran sa mga mamamayan sa lugar.

Pinakakalat ng pamahalaan ang mga tropa sa lugar matapos ang ilang reklamo ng pangingikil ng mga komunistang grupo sa project developer ng farm-to-market road.

(BASAHIN: “Kill, Kill,Kill” order ni PRRD vs NPA, legal batay sa International Humanitarian Law —Roque)

SMNI NEWS