KULONG at multa ang haharapin ng illegal na pagbebenta ng COVID-19 vaccines ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso.
Pananagutin sa lungsod ng Maynila ang mga indibidwal o institusyon na magbebenta at magtuturok ng COVID-19 vaccines para pagkakitaan.
Ito ay matapos lagdaan na ni Mayor Moreno ang isang ordinansa na nagbabawal dito.
Ayon kay Moreno, hindi pinapayagan ang anumang illegal na pagbebenta, distribusyon at pagtuturok ng mga bakuna habang nasa state of public health emergency ang bansa at walang full market authorization na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA).
Kabilang aniya sa parusa na ipapataw sa mga illegal na magbebenta ay multang p5,000, pagkakakulong na hindi lalagpas sa anim na buwan, revocation ng business license at pagbabawalan nang magnegosyo sa lungsod.
Pinagbabawalan din ng alkalde ang mga private sector sa Maynila na kaltasan ang sahod ng kanilang mga empleyado o pabayarin ang mga ito sa ibibigay na COVID-19 vaccines.
Sa ngayon, sinabi ni Moreno na wala pa silang natatanggap na report ukol sa “vaccine for sale” scheme sa lungsod.