UUMPISAHAN na ang paglulunsad ng illuminated bike lanes sa lungsod ng San Fernando, Pampanga matapos isagawa ang groundbreaking ceremony nitong Hunyo 27, 2023.
Matatandaan na noong Mayo ay nagsagawa ng isang courtesy visit ang mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang talakayin ang nasabing proyekto.
Magbibigay ang Illuminated Bike Lanes Project ng mas ligtas na espasyo para sa mga siklista.
Batay sa Department of Transportation (DOTr) at (DPWH), ang proyekto ay nasa ilalim ng pagsisikap ng national government upang palawakin ang active transport infrastructures sa bansa.
Kauna-unahan din ang lungsod na magkakaroon ng nasabing proyekto ayon sa DOTr na kalauna’y magkakaroon ng 37.50-kilometer-long illuminated bike lanes sa iba’t ibang parte ng siyudad na itatayo sa ilalim ng 3 classes.
Ang Class 1 na itatayo sa ilang bahagi ng Manila North Road/MacArthur Highway, Class 2 sa ilang parte ng Manila North Road/MacArthur Highway, Lazatin Boulevard, at Capitol Boulevard habang Class 3 na itatayo sa bahagi ng Jose Abad Santos Avenue.
Kabilang sa dumalo sa groundbreaking ceremony sina DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure James Andres Melad at DPWH-3 Assistant Regional Director Melquiades Sto. Domingo, kasama si City Administrator Engr. Nelson Lingat, mga project officer ng ahensiya at city government.