ISINAILALIM ngayon sa state of calamity ang Ilocos Norte dahil sa matinding pagbaha at malakas na hangin na kanilang nararanasan dahil sa Bagyong Egay.
Sa isang special session na isinagawa ni Vice Governor Cecilia Araneta-Marcos sa Ilocos Norte, inaprubahan nito ang Resolution No. 2023-07-173 para sa pagdedeklara ng state of calamity sa probinsiya.
Sa tala, aabot na sa ilang daang milyon ang halaga ng pinsala na naidulot ng Bagyong Egay sa agrikultura, imprastraktura at iba pang ari-arian sa Ilocos Norte.
Marami na rin ang mga residente na nawalan ng bahay dahil sa bagyo.
Nakararanas na rin ng power outage ang ilang lugar doon dahil sa nahulog na piling crane sa Baldi Bridge sa bayan ng Pasuquin na nagresulta sa pagkatumba ng 69-kilovolt power transmission line.
Kaugnay nito ay pinalikas na ang mga residente sa flood-prone areas sa Ilocos Norte sa mga bayan ng Bangui, Badoc, Bacarra, Pagudpud, Banna, Adams, Solsona, Piddig, Burgos at Paoay, Batac, at Laoag.