BALIK-normal na ang operasyon ng Iloilo International Airport matapos ang apat na oras na pagsara nito noong linggo, Disyembre 22, 2024, para sa agarang pagkukumpuni ng runway dahil sa dalawang natuklasang butas.
Mula alas-7:15 ng umaga hanggang alas-11:00 ng umaga nitong linggo, pansamantalang hindi nagamit ang runway ng Iloilo International Airport dahil sa isinagawang pagkumpuni sa dalawang butas na natuklasan sa runway 02.
Sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), agad na isinagawa ang runway repair upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, crew, at sasakyang panghimpapawid.
Nasa siyam na flight ang naapektuhan ng pansamantalang pagsara.
Kabilang sa lima ang biyahe ng Iloilo-Manila at Iloilo-General Santos City, tatlo ang kanselado ng Iloilo-Puerto Princesa, Iloilo-Manila, at Iloilo-Cebu, at isa ang na-divert sa pagitan ng Manila-Puerto Princesa.
Tinatayang 1,300 pasahero ng Cebu Pacific, Airasia, at Philippine Airlines ang naapektuhan sa pansamantalang pagsasara ng Iloilo International Airport.