NAGSAGAWA ng parallel investigation ang Iloilo police ukol sa driver na kinilalang si Christopher, na naaresto sa Calapan City, Oriental Mindoro dahil sa pagdadala ng hinihinalaang shabu noong nakaraang linggo.
Itinalaga ni Iloilo Police Provincial Office Chief Police Col. Bayani Razalan ang Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Intelligence Unit upang magsagawa ng karagdagang imbestigasyon sa suspek at tuklasin ang kaniyang papel sa pagdadala ng kontrabando patungong Iloilo City.
Sa ulat, si Christopher ay hindi kasama sa listahan ng mga personalidad na may kaugnayan sa droga, subalit ang nakumpiskang shabu sa Calapan City ay nagkakahalaga ng P816M.
Sa isinagawang background checking, ang suspek ay taga-Oton, Iloilo, ngunit kasalukuyang nakatira sa Pavia at nagtatrabaho bilang truck driver.