NATUKLASAN ng mga sundalo sa Eastern Visayas ang isang imbakan ng armas na pag-aari ng komunistang teroristang grupong New People’s Army (NPA).
Ang nabanggit na taguan ng armas ay nakita sa Brgy. Buak Daku, Sogod, Southern Leyte.
Sa panayam ng SMNI News kay Capt. Jefferson Mariano, Chief ng Division Public Affairs Office ng 8th Infantry Division ng Philippine Army, natunton ito ng 14th Infantry Battalion dahil sa tulong at impormasyon na ibinigay ng mga dating miyembro nito.
“Isang effort po natin is ‘yong ine-engage natin ‘yong mga former rebels and part ‘yon ng program namin dito ‘yong tinatawagan nga namin na program LEVOX na kung saan ang mga former rebels ine-engage kinakausap natin sila apart from them ‘yong mga families nila ‘yong mga aktibong nasa taas din kaya kapag nagsu-surrender sila dito nagiging instrumento ‘yong mga kapamilya nila na i-reveal o ipakita o i-divulge ‘yong mga information katulad nga na na-recover natin itong na-recover natin itong firearms na inilibing ng mga myembro ng communist terrorists group dito sa Leyte,” saad ni Capt. Jefferson Mariano, Chief, Division Public Affairs Office, 8ID, Philippine Army.
Kasama sa nakuhang armas ang isang M16 rifle, isang maikling magazine, at mga subersibong dokumento.
Samantala, maliban dito, nakaengkuwentro naman ng mga tropa mula sa 801st Infantry Brigade ang mga miyembro ng rebeldeng grupo na sakop ng Yakal Platoon, Sub-Regional Committee Browser, Eastern Visayas Regional Party Committee sa kabundukan ng Brgy. Calapi, Motiong, Samar.
Ang nasabing sagupaan ay nagresulta sa pagkakakumpiska ng iba’t ibang gamit pang-digma, medikal suplay, at mga personal na gamit.
Sa ngayon, sinabi ni Mariano na patuloy pa ang kanilang ginagawang operasyon para mahuli ang mga nasabing rebelde.
“As of right now nagpapatuloy ang mga hot pursuit operations natin para mahabol itong mga members ng terrorists group na ito,” ani Capt. Jefferson Mariano, Chief, Division Public Affairs Office, 8ID, Philippine Army.
Sa kabilang banda, nagpaabot naman ng pakikiramay ang buong 8th Infantry Division sa mga naulilang pamilya ni Corporal Bobby Barocaboc na nasawi matapos makaengkuwentro ang ilang miyembro ng komunistang teroristang grupo sa kabundukan ng Brgy. San Roque, Matuguinao, Samar.
“Corporal Barocaboc has paid an ultimate sacrifice for the people of Eastern Visayas. His death fuels us to continue what we have started. The military will never cease in pursuing the remaining insurgents for us to achieve lasting peace and progress in the community,” wika ni MGen. Adonis Ariel Orio, Commander, 8ID, Philippine Army.
Sa kabila nito, nilinaw ni Capt. Mariano na hindi makaaapekto sa darating na eleksiyon ang mga nangyaring engkuwentro sa lalawigan ng Samar.
“Hindi naman ito magiging apekto or mai-effect sa atin we will still pursue and ang ating mandate with regards the national and local election and of course hindi naman po titigil ang ating kasundaluhan upang mapanatili ang kapayapaan dito sa Eastern Visayas,” ayon kay Capt. Jefferson Mariano, Chief, Division Public Affairs Office, 8ID, Philippine Army.