‘WALA pa tayong definitive result’. Ito ang sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya hinggil sa nakuhang underwater drone ng mga mangingisda sa Masbate, na itinurn-over sa Philippine National Police (PNP) at ngayo’y nasa pangangalaga na ng Philippine Navy.
Sa kasalukuyan, tinutukoy pa ng mga awtoridad kung saan nanggaling ang drone na ito gayundin ang ‘specifics’ nito at anong mga barko ang dumaan sa lugar na iyon.
Saad ni Malaya, nagpapatuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at hindi pa nila masabi kung saang patikular na bansa nagmula ang naturang drone.
Idinagdag pa ni ADG Malaya na blangko pa sila sa magiging susunod na hakbang habang inaalam pa ang puno’t dulo ng nasabing drone lalo’t may national security implications ito.
Base sa kanilang inisyal na obserbasyon, ang ganitong klase ng drone ay ginagamit umano sa reconnaissance at surveillance at isang ‘unmanned drone.’
Gayunpaman, mahirap gumawa ng espekulasyon sa kung anong posibleng motibo ng drone na ito.
Kaya mas maiging bigyan aniya ng sapat na panahon ang mga awtoridad para sa imbestigasyon tungkol dito.
Sa kabilang banda, ayon sa opisyal, mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang NSC sa kanilang foreign counterparts para makakuha pa ng karagdagang impormasyon.