Imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng Duterte admin, pagpupulungan ng ilang government officials

Imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng Duterte admin, pagpupulungan ng ilang government officials

PAGPUPULUNGAN ng ilang government officials ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs ng Duterte admin.

Kinumpirma ng Office of the Solicitor General (OSG) na magtatakda sila ng pakikipagpulong sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), international law experts at sa Office of the President.

Sinabi ni Solicitor General Menardo Guevarra na ilalatag niya sa isasagawang pulong ang ilang  opsyon kaugnay sa nakaambang imbestigasyon ng ICC, patungkol sa mga kaso ng pagpatay sa drug campaign noong Duterte admin.

Kabilang sa binalangkas ni Guevarra ay hamunin ang hurisdiksyon ng ICC sa kaso at ikalawa ay nais nitong manatiling bukas ang komunikasyon ng Pilipinas sa ICC.

Nauna rito ay pinagkokomento kasi ng ICC ang Pilipinas para sagutin ang hiling ng prosekusyon na muling buksan ang imbestigasyon sa mga napatay sa war on drugs.

Binigyan naman ang Pilipinas ng hanggang sa September 8, 2022 para ihayag ang mga obserbasyon nito, samantala inatasan din ng ICC ang victims participation and reparations section (VPRS) na kuhanin din ang pananaw at opinyon ng mga biktima.

Samantala nauna nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas, dahil kumalas na ang bansa noon pang March 2019, kaya hindi na raw sakop ng imbestigasyon ng ICC ang Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter