ITUTULOY ng Kamara sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa utang ng Pamilya Lopez sa Development Bank of the Philippines (DBP).
Ito’y matapos mabanggit ni Pangulong Duterte ang isyu sa kaniyang pinakahuling public address.
Nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu ng condoned loans ng Pamilya Lopez sa DBP sa isang talumpati nito.
Mababatid na ang Pamilya Lopez ang may-ari ng ABS-CBN na pinagkaitan ng prangkisa ng Kongreso dahil sa samot-saring paglabag sa batas.
Sinabi ng pangulo na hindi dapat mahinto ang imbestigasyon ng Kongreso partikular na sa pagdating sa utang ng Pamilya Lopez.
Kinuwestyon naman ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang liderato ng Kamara kung ano ang plano nito sa nasabing imbestigasyon.
Giit ni Defensor, dapat matiyak na magkakaroon ng closure ang isyu at maagapan na maulit ito sa mga susunod na panahon.
Dahil dito, nilinaw naman ni Good Government and Public Accountability Chairman Mike Aglipay na magkakaroon ng hearing sa isyu ngayong buwan.