PLANONG imbestigahan sa Kamara ang umano’y gentleman’s agreement sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ni Chinese President Xi Jinping.
May kinalaman ito sa nagpapatuloy at tila lumalalang tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil na rin sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Pero ang naturang imbestigasyon, may masamang epekto aniya sa mga susunod na pangulo ng bansa ayon sa political strategist na si Prof. Malou Tiquia.
Napuna rin nito ang nilalaman ng House Resolution No. 1684 ni Congressman Jefferson Khonghun na tila may hatol na.
Kung pagbabatayan naman aniya ang timeline ng sigalot sa pinag-aagawang teritoryo, nagsimula itong lahat sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Nauna nang iginiit ni dating Pangulong Duterte na walang nangyaring Gentlemen’s Agreement sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Para kay Prof. Tiquia, politika pa rin ang ugat ng lahat ng ginagawang pagdidiin kay Duterte kaugnay ng tensiyon sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Tiquia na imbes ituon ang imbestigasyon kay dating Pangulong Duterte ay mas maigi aniya kung imbitahin na lang ng mga mambabatas ang mga dating opisyal ng Duterte administration na may kinalaman sa tensiyon sa WPS para mabigyang linaw ang naturang isyu.