SISIMULAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga sa sinasabing hoarding ng mga medical oxygen tanks at iba pang mga medical supplies sa lungsod ng Cebu at iba pang bahagi ng bansa.
Nauna dito ay naglabas ng memorandum order si Justice Secretary Menardo Guevarra at inatasan ang NBI na masusing imbestigahan ang naturang insidente.
Sinabi ng DOJ na ang hoarding o pagtatago umano ng ilang mga tiwaling negosyante ng mga medical oxygen tank ay kadalasang ginagamit ngayon ng mga pasyenteng nakikipag-laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nakasaad sa memo na kailangang maisumite ng NBI sa DOJ ang resulta ng kanilang imbestigasyon na hindi dapat lalagpas sa sampung araw.
Samantala, tinitiyak naman ng Department of Health (DOH) na may sapat na suplay ng COVID-19 medicines at oxygen tanks.
Ito ang inihayag ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire sa isinagawang virtual town hall meeting kasama ang mga medical practitioner ng National Capital Region.
Bukod pa rito, inatasan na rin ang lahat ng mga ospital ng DOH na mag-stock ng COVID-19 investigational mula sa pondo ng mga opisina ng kagawaran, sa global fund at World Health Organization (WHO).
BASAHIN: Presyo at suplay ng oxygen sa NCR Plus bubble binabantayan ng DOH