Imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero, magpapatuloy — PNP

Imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero, magpapatuloy — PNP

MAGPAPATULOY ang Philippine National Police (PNP) sa kanilang imbestigasyon sa 34 na nawawalang sabungero.

Ito ay sa harap ng panawagan na alisin ito sa kanila dahil na rin sa pagkakasangkot ng ilang pulis sa nasabing kaso.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, walang sisinuhin ang kanilang imbestigasyon bagama’t may ilan silang kasamahan na idinadawit sa umano’y pagkawala ng ilang sabungero.

Mahigpit aniya ang bilin ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos na pananagutin sa batas ang mga pulis na mapatutunayang sangkot dito.

Una nang sinibak sa pwesto si Police Colonel Rogarth Campo, Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa ilang nawawalang sabungero.

Gayundin sina Patrolman Roy Navarete at Police Staff Sergeant Daryl Paghangaan.

 

Mga pulis na sangkot sa umano’y nawawalang sabungero, nasa ilalim na ng restrictive custody – PNP

Nasa ilalim na ng restrictive custody ang mga pulis na umano’y sangkot sa pagkawala ng isang e-sabong master agent sa San Pablo City, Laguna.

Ayon kay PNP Fajardo, naka-restrictive custody ang mga pulis sa Regional Headquarters Police Regional Office 4A.

Inaasahan naman aniyang maisasampa na ng mga imbestigador ang mga kaso laban sa mga pulis sa susunod na mga araw.

Noong Lunes, sinabi ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na hinahanda na nila ang mga reklamo laban sa limang pulis na umano’y sangkot sa pagdukot sa e-sabong master agent na si Ricardo “Jonjon” Lasco.

 

Follow SMNI News on Twitter