ISINUSULONG ng isang senador ang imbestigasyon sa submersible drone na narekober ng mga mangingisda sa karagatan ng Masbate kamakailan.
Kabilang ang aniya’y posibleng mga seryosong implikasyon nito sa maritime security at pagtalima sa maritime laws ng bansa.
Araw ng Lunes Enero 6 ay naghain ng resolusyon si Senador Francis Tolentino para siyasatin ng Senado ang insidente, kung saan nagtagpuan ng isang grupo ng mga mangingisda ang drone na palutang-lutang sa karagatang sakop ng Brgy. Inawaran sa bayan ng San Pascual, Masbate.
“Maraming himala ang dapat malaman, maraming katanungan ang ‘di pa natutugunan. When I was informed, I was told that it will take 8 weeks to have the inquiry of the Philippine Navy included,” ayon kay Sen. Francis Tolentino.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na remote-controlled electronic device ang drone na maaari umanong ginamit sa komunikasyon at paglalayag.
Kaugnay rito, kumpiyansa si Tolentino sa kakayahan ng mga inhinyerong Pilipino na ma “reverse-engineer” ang drone kung kinakailangan.
Ipinunto ni Senator Tol ang kahalagahan ng pagtalima sa maritime laws ng bansa, kabilang ang Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) at Archipelagic Sea Lanes Law (RA 12065).
Ang huli ay nagtatalaga ng sea lanes na maaari lang daanan ng mga banyagang sasakyang pandagat kung sila’y babaybay sa mga karagatang sakop ng bansa.
“Pwede rin nating pag-aralan kung ang unmanned submersibles, gaya ng drone na ito, ay sakop ng mga regulasyon ng mga batas na ito,” saad ni Tolentino.
Sa ilalim ng Section 7 ng Philippine Maritime Zones Act, sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang hanggang 200 nautical miles ng karagatan mula sa base lines nito. Kasama sa mga karapatan ng bansa ang eksplorasyon, paglilinang, at pangangalaga sa mga likas na yaman sa loob ng EEZ nito.
Kabilang din sa mga karapatang ito ang hurisdiksiyon sa mga artipisyal na isla, siyentipikong pananaliksik, at proteksiyon para sa marine environment.
Ang anumang uri ng marine scientific research, kabilang ang paggamit ng drones, ay dapat tumalima sa mga probisyon ng UNCLOS at maritime laws ng bansa.
Itinatakda naman sa Section 10 na dapat ay mga Pilipino ang pangunahing makikinabang sa anumang maritime research, na kailangan din ng pahintulot ng pamahalaan.
Nakasaad sa Section 11 ang mga obligasyon na pangalagaan ang marine environment, habang nakapaloob naman sa Section 15 ang mabibigat na multa (mula $600,000 hanggang $1 million) sa anumang paglabag sa mga karapatan ng bansa.
“Ang haba ng drone ay 12 feet. Ang kulay ay dilaw. Ang purpose ay scientific research. Ang kulay kasi ng scientific ay dilaw at pula,’’ dagdag nito.
Kung ang drone ay mapapatunayang pag-aari ng banyaga, dapat itong sumunod sa mga regulasyon, at may karapatan ang pamahalaan na ito na kumpiskahin at suriin ang nasabing drone.