NANANATILING kuwestiyonable para kay Sen. Robin Padilla ang patuloy na suspensiyon ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Mag-aapat na buwan na kasi ay ‘di pa nakababalik sa ere ang nasabing istasyon matapos itong suspindihin ‘indefinitely’ ng National Telecommunications Commission (NTC).
Sa SMNI umeere ang mga programa ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ, at maging ang programa ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “Gikan sa Masa, Para sa Masa”.
Una nang sinabi ni Padilla na ang suspensiyon ay dala ng pamumulitika.
“Siyempre hindi naman tayo bulag, alam naman natin ‘yun na number one na taga-supporter ni dating Pangulong Duterte si Pastor Quiboloy.”
“Eh hindi naman natin maipagkakaila din na karamihan sa mga sumusuporta laban kay Pastor Quiboloy ay may kinalaman sa politika,” ayon kay Sen. Robinhood “Robin” Padilla.
Sa inihaing proposed Senate Resolution 1000 naman ni Padilla kamakailan ay pormal niyang hiniling sa Senado na imbestigahan kung wala bang nilabag na proseso ang NTC.
Ang imbestigasyon in aid of legislation ay hiniling na pangungunahan ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na kaniyang pinamumunuan.
Ipinunto ng senador na sa isang probisyon sa Republic Act No. 11659, hindi dapat lalagpas sa 30 araw ang suspensiyon ng isang network, ito ay upang maiwasan ang matinding pinsala o maging sagabal sa interes ng publiko o pribado.
Bigo rin aniyang ipaliwanag ng NTC sa kanilang show cause order kung bakit kailangan patawan ng ‘indefinite’ suspension ang SMNI.
Ayon sa senador, ang walang basehang ‘indefinite’ suspension sa SMNI ay hindi lamang pagkakait ng due process kundi maging paglabag sa press freedom.
Ang imbestigasyon sa suspensiyon ng SMNI ay una nang hiniling ng senador sa isang privilege speech sa isang session sa Senado ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito nagkaroon ng schedule kung kelan tatalakayin.
Habang ang kaniyang bagong resolusyon naman kung saan pormal niyang hiniling ang imbestigasyon ay posibleng isasagawa sa Abril 24.