Imbestigasyon sa tulo ng kisame sa Dagupan PhilHealth, patuloy pa rin

Imbestigasyon sa tulo ng kisame sa Dagupan PhilHealth, patuloy pa rin

KINUMPIRMA ng Department of Justice na nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa regional office ng PhilHealth sa Dagupan City, Pangasinan.

Ito ay dahil sa pagtulo ng tubig ulan sa loob ng opisina na pinaghihinalaang sinadya dahil sa isinasagawang imbestigasyon ng task force sa mga katiwalian at mga anomalya sa PhilHealth.

Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na pangunahing sinusuri ng NBI Regional Office ay kung mayroon bang mga importanteng dokumento na nasira matapos nabasa ng tubig ulan.

Magugunitang pinaghinalaan na sinadya ang pagtulo ng tubig ulan sa loob ng regional PhilHealth Office para maitago o mapagtakpan umano ang anumang mga dokumento na kailangan sa isinasagawang imbestigasyon ng task force PhilHealth sa diumano’y mga katiwalian sa nasabing ahensiya.

Sa inisyal na imbestigasyon ay sinasabing basahan o tela ang bumara sa alulod ng bubong ng Region 1 PhilHealth office sa Dagupan, Pangasinan pero sinabi ni PhilHealth Regional Vice President Alberto Manduriao na walang dapat ikabahala sa nasabing insidente dahil intact at accounted naman ang mga pangunahing dokumento at pinabulaanan na sinadya ang naturang insidente.

SMNI NEWS

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.