NAUMPISAHAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon hinggil sa panggagaya ng pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sa pekeng appointment paper.
Ito ang sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa ginanap na Palace briefing ngayong araw.
Kasabay nito, hinihintay ng Malakanyang ang anumang report mula naman sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ang paggulong ng imbestigasyon ay kinumpirma rin ni Department of Justice spokesperson Atty. Mico Clavano sa Laging Handa public briefing.
Saysay pa ni Atty. Clavano, inatasan na ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang NBI at ang PNP-CIDG para imbestigahan ang naturang isyu.
Samantala, binigyang-diin ng DOJ na hindi nito minamaliit maging ng DILG ang insidenteng pamemeke ng appointment document.
Ito’y lalo’t pamemeke ng selyo ng Malacañang at pirma ng Pangulo ang ginawa.
Sinabi ni Atty. Clavano, aalamin sa imbestigasyon kung saan at kanino nagmula ang nasabing dokumento maging ang intensyon sa pagpapalabas nito.
Titiyakin din aniya ng mga imbestigador ang paghabol sa mga taong nagkakalat ng mga pekeng appointment paper.
Kaugnay nito, nagbabala ang DOJ sa forgers ng bogus appointment papers na mahaharap ang mga ito sa jail term na hanggang 20 taon.
Sa kabilang banda, tiniyak naman ni Clavano na walang pananagutan ang mga media outlet na nagkamali sa pag-ulat ng pekeng appointment.
Samantala, iniulat ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. sa Palace briefing na mayroon nang breakthrough sa sinimulang imbestigasyon.
Ani Azurin, tukoy na ang mga personalidad na umano’y sangkot sa paglalabas ng pekeng appointment paper na may pekeng pirma ni Pangulong Marcos.
Kasabay nito, hiniling ng PNP ang kooperasyon ng mga iniimbestigahan.
Samantala, inihayag pa ng PNP na posibleng sa susunod na mga araw ay maglalabas na ng report ang mga otoridad kaugnay ng naturang imbestigasyon.