Imee Marcos ayaw sa Alyansa pero bukas na umakyat sa entablado sakaling imbitahan

Imee Marcos ayaw sa Alyansa pero bukas na umakyat sa entablado sakaling imbitahan

NANANATILI pa ring palaisipan kung tatayo nga ba bilang independent si Sen. Imee Marcos para sa 2025 midterm elections o hindi.

No show nitong Biyernes ang presidential sister na si Imee Marcos sa deklarasyon ng senatorial ticket ng Alyansa Para sa Bagong Pilipino para sa 2025 midterm elections.

Kabilang si Imee sa 12 kandidato na susuportahan ng administrasyon. Pero sa kabila nito binigyang-diin ni Imee na mangangampanya siya bilang isang independent candidate.

“Minabuti kong tumindig mag-isa upang huwag nang malagay sa alanganin ang aking ading, para ‘wag nang mag-alinlangan ang aking mga tunay na kaibigan,” saad ni Sen. Imee Marcos, Aspirant, 2025 Senatorial Elections.

Pero nang tanungin kung ‘di ba siya mahihirapan sa kampanya kung walang suporta mula sa malaking makinarya ng Alyansa na iniendorso ng kaniyang kapatid ay ito ang sagot ni Imee.

“First time ko nga eh na gawin to kaya aasahan ko na lamang na makukumbida ako siguro, kaya kung papapuntahin ako ano ba namang pumunta? Wala namang problema dun,” aniya.

Si Imee ay inaakusahang namamangka sa dalawang ilog – sa parehong panig nina Vice President Sara Duterte at kaniyang kapatid na si Marcos Jr.

Pero ayon sa senadora, wala siyang papanigan bagkus nais niyang magkasundo ang dalawa.

“Ang importante talaga ay ang situwasyon ko. Kung mayroon kang dalawang malapit na kaibigan at sila ay nag-aaway, kakampihan mo ba ang isa laban sa isa. Siyempre ang gusto mo ay pagbatiin sila, magkausap sila at ikaw ang magiging daan para doon,” dagdag nito.

Sa ngayon ay kuwestiyunable kung magiging independent si Imee sapagkat siya ay miyembro ng Nacionalista Party (NP) –  ang partidong pinangungunahan ni dating Sen. Manny Villar.

Ang NP ay kabilang sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

Ayon kay Imee, kailangan muna niyang makipagpulong sa NP para linawin ang kaniyang katayuan sa grupo. ‘Di rin siya nakatitiyak kung kailangan pa niya ng konsultasyon sapagkat ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas ay hindi naman rehistrado sa COMELEC.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble