Immigration, nakakolekta ng halos P5.9-B kita nakaraang 2020 sa kabila ng pandemya

NAKAKOLEKTA ang Bureau of Immigration (BI) ng halos P5.9 bilyon nakaraang taon 2020 sa kabila ng pandemya na dulot ng coronavirus 2019 (COVID-19).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, P5.88 billion ang kabuuang kita mula sa immigration fees nakaraang taon, 36.1 porsiyentong mababa sa P9.3 billion na record high income noong 2019.

“We anticipated our revenues to decrease due to the pandemic. With more foreign nationals going out of the country than going in, we were able to collect less revenue from vis applications,” ayon pa kay Morente.

Dagdag ni Morente, nakaranas ng pagbulusok ang kita ng BI nakaraang taon  matapos ang dalawang buwang suspesyon sa transaksyon ng ahensiya bunsod sa ipinatupad na lockdown dulot ng pandemya.

Inaasahan naman ni Morente na babalik sa normal ang koleksyon ng Bureau ngayong taon habang hinihintay ng bansa  ang COVID-19 vaccine at sa panahon na matanggal na ang restriksyon sa international travel.

Ayon kay BI Finance Chief Judith Ferrera, makukuha sana ulit nila ang malaking income sa 2020 kung hindi nagkaroon ng pandemya.

Aniya pa, unang bahagi pa lamang ng taon ay kumita na ang ahensiya ng P1.8 billion ngunit bumaba ito sa P480 million noong Marso dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Nakuha aniya ang malaking bahagi ng kita mula sa visa processing at extension fees, fines and penalties, clearance and certification taxes, at immigration tax.

SMNI NEWS