NILINAW ng National Task Force against COVID-19 na hindi nag-eexpire ang immunity na dulot ng mga bakuna.
Ito ang ginawang paliwanag ni NTF Medical adviser Dr. Ted Herbosa sa panayam ng SMNI News sa mga agam-agam ng publiko hinggil sa dahilan kung bakit pinapalagyan ng expiration ang vaccination cards.
“Sa totoo lang, hindi naman nag-eexpire ‘yung immunity. Ang problema, hindi updated ang vaccination status mo. Kagaya ko, kwento ko lang, alam kong may antibody level ako six months after my two doses, pero mababa. Bumaba na six months after nasa 50 lang ang level nagpa-booster ako, nagpa-test ulit ako, nasa 260 na, tumaas uli. So ganon yung gusto nating mangyari sa ating mga kababayan kaya pinu-push talaga ng DOH, ng vaccine cluster na magpa-booster ang ating mga kababayan,” ayon kay Dr. Herbosa.
Kung matatandaan, si Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion ang nagmungkahi nito.
Aniya, kapag nag-expire na ang vaccination card dapat palitan na ito ng booster card.
Maipapalawig lang ang validity nito kung nagpapa-booster shot na ang isang tao.
Ikonsidera lang din na fully-vaccinated ang isang tao kung nagpaturok na ito ng booster shots.
Samantala, bagama’t nakakatulong ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination, sinabi ni Herbosa na malalayo ang lugar at nahihirapan ang mga taga-bakuna na bibisita sa mga malalayong lugar.