NASA House Committee on Justice na ang impeachment case laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, asahan na tuloy-tuloy na ang pag-usad ng impeachment sa committee level.
“Proceedings are clear on the timetable for acting on such complaint,” pahayag ni Romualdez.
Ani Romualdez, nasa kay Justice Committee Chairman Vicente Ching Veloso III na ang bola sa impeachment case.
Naniniwala si Romualdez na magiging patas ang mga miyembro ng kumite sa paghawak ng kaso ni Leonen.
“We believe that the Chairman and Members of the House of Committee on Justice will act judiciously on the impeachment complaint based on constitutional grounds and in accordance with established rules and practices,” ayon kay Romualdez.
Magugunita na isinampa ang impeachment case ni Filipino League of Advocates for Good Government (FLAGG) Secretary General Edwin Cordevilla noong Disyembre ng nakaraang taon.
Ito ay inindorso ni Ilocos Norte Rep. Angelo Barba.
Sa reklamo ni Cordevilla, si Leonen ay inaakusahan ng paglabag sa Konstitusyon at Betrayal of Public Trust dahil sa umano sa case backlog.
Aniya, ito raw ay paglabag sa mandato na pabilisin ang pag-usad ng mga nakabinbing kaso sa korte.
Welcome development naman sa mga nagsusulong ng impeachment ang committee referral.
Nauna nang kinuwestyon ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor kung bakit matagal ang committee referral ng impeachment case.
Batay sa House rules, dapat mai-refer sa komite ang isang impeachment case sa loob lamang ng 10 session days.
Disyembre 7, 2020 naisampa ang impeachment pero kahapon lamang ito nagkaroon ng committee referral.
(BASAHIN: Impeachment complaint laban kay Supreme Court Justice Leonen, inihain sa Kamara)
Leonen, pinagbibitiw bilang chairman ng 2021 Bar Exams
Samantala, nanawagan naman si Atty. Gadon na mag- resign si Leonen bilang chairman ng 2021 Bar Exams.
Diin din ni Gadon, may problema rin sa SALN si Leonen at mas malala pa raw ito sa SALN isyu ni ousted Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
“Nararapat lamang na mag-resign si Associate Justice Marvic Leonen bilang chairman ng 2021 Bar Examinations sapagkat mahahati ang kanyang panahon at atensyon sa pagharap, sa pagdinig ng kaso ng impeachment at sa posibilidad na kaso na ihahain laban sa kanya ng quo warranto sapagkat ang kanyang mga violations sa SALN ay napakarami. Mas masahol pa ang mga taon na hindi siya nag-submit ng SALN kung ikukumpara kay Atty. Lourdes Sereno na natanggal sa pagiging Chief Justice dahil sa non-submission of SALN na nagkaroon ng question sa kanyang integrity na isang mahigpit na requirement bilang miyembro ng hudikatura. Kaya nararapat na mag-resign si Justice Marvic Leonen bilang chairman ng Bar examination sapagkat magiging unfair sa mga Bar examinees kung ang kanyang pag-appreciate sa mga questions at answers ay hindi magiging objective dahil magulo ang kanyang panahon ang kanyang kaisipan dahil sa mga kasong hinaharap niya,” ani Gadon.
Sa ngayon, tutukuyin na ng komite kung may sufficient in form and substance ba ang reklamo laban kay Leonen.