MULING ipinunto ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na black propaganda lang ang impeachment complaint na inihain ng ilang mga mambabatas laban kay Vice President Sara Duterte.
Bago pa nasira ang Uniteam tandem ni Vice President Sara Duterte at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at bago pa magbitiw sa puwesto sa pagiging kalihim ng Department of Education (DepEd) ang bise ay marami na ang nakapapansin na ang lahat ng mga galawan ng mga kalaban ni Duterte sa politika ay mayroon lang isang kahulugan.
At ito’y para hindi makatakbo bilang presidente si VP Sara sa 2028 elections.
Sinabi ni Panelo, ang lahat ng mga kalaban ng mga Duterte, kahit hindi magkapareho ang kanilang ideolohiya ay nagsanib puwersa na—ginusto man nila o hindi.
Halos walang katapusan ang pag-atake at pangha-harass kay VP Sara sa politika at ang ginagamit ngayon na isyu laban sa kaniya ay ang walang tigil na pagbusisi sa paggamit ng confidential funds ng kaniyang tanggapan.
Pero sa kasamaang palad, hindi sila pinagbibigyan ng pangalawang pangulo.
Gaya ng ipinunto ni VP Sara, para patas ang laban, binigyan-diin ni Atty. Panelo na kung iimbestigahan ang OVP sa paggamit nito ng confidential funds ay dapat imbestigahan din ang lahat ng tanggapan.
Sa ngayon, dalawang impeachment complaint na ang inihain laban kay Vice Presidente Duterte.
Para kay Atty. Panelo, wala nang ibang black propaganda ang hihigit pa rito.