BAHAGYA nang pinaghahandaan ng Senado ang magiging impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nitong Martes, inayos na ang session hall na parang impeachment court.
Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, normal lang ang nasabing paghahanda dahil natanggap na ng Senado ang impeachment complaint.
Bukod sa paghahanda ng lugar, may nakalaan na ring P1M para sa magiging expenses, kabilang ang mga ID, sling, pagkain, at iba pang kailangan sa trial.
“Bahagi ng paghahanda ng Senado ‘yun. Ininspeksyon kung kinain na ba ng mga anay ‘yung mga dating ginamit na lamesa at witness stands. Nilocate nila sa kanya-kanyang lugar upang makita kung ano ang dapat gawin at paghandaan,” pahayag ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.
SP Escudero muling iginiit na sa 20th Congress na isasagawa ang impeachment trial
Pero sa kabila ng mga paghahanda, nilinaw ni Escudero na nanatili ang kaniyang naunang pahayag na walang impeachment trial na magaganap habang naka-break ang session ng Senado.
“Anuman ang sinasabi ninuman, hangga’t walang session at hindi na-convene ang session, ay walang trial na magaganap habang kami ay naka-recess. Klaro at maliwanag sa rules namin ‘yan,” ani Escudero.
Ginawa ni Escudero ang pahayag kasunod ng liham sa kaniya ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na humihikayat na agad simulan ang paglilitis.
Dagdag pa niya, imposibleng agad itong masimulan dahil hindi pa naisagawa ang pre-trial, na posibleng umabot pa ng halos dalawang buwan.
“Hindi na aabot kasi magsasagutan pa ‘di ba? Magfi-file pa ng answer si VP Sara, magfi-file pa ng sagot ang kabila, ang prosecutors. Maaring mag-file ng rejoinder si VP Sara, maaaring mag-file ng rejoinder ang prosecutor… Ubos na rin eh,” aniya.
Follow SMNI News on Rumble