Implementasyon ng umiiral na mga batas, mahigpit na babantayan oras na maging senador—Rep. Rodante Marcoleta

Implementasyon ng umiiral na mga batas, mahigpit na babantayan oras na maging senador—Rep. Rodante Marcoleta

KUMPIRMADO na ang pagtakbo ni Sagip Rep. Rodante Marcoleta sa pagka-senador sa 2025 elections.

Ang desisyong tumakbo ng beteranong trial lawyer at mambabatas ay nag-ugat sa matinding panawagan ng taumbayan na ito’y lumipat sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Ngunit ano nga ba ang prayoridad nito sakaling palarin na maging senador?

“Sa House of Representatives, napakarami po ng mga batas na pwede kong isa-isahin sa inyo. Ngunit nagkaroon po ng problema kung ang pag-uusapan ay ‘yung pagpapatupad ng mga ito,” wika ni Rep. Rodante Marcoleta, Senatorial Aspirant.

Halimbawa ni Marcoleta ay ang hindi maayos na pagpapatupad sa Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA Law).

Layon ng batas na ito ay mapababa ang singil sa kuryente.

“Ang EPIRA po ay nagawa 23 taon nang nakararaan, ngunit hangga’t hindi po ninyo naibaba ang presyo ng kuryente, there will be a continuing violation of that law,” dagdag ni Marcoleta.

Pati local government code, hindi rin aniya naipatutupad nang maayos.

Aniya, nasa dalawang porsiyento lamang sa mahigit 42,000 barangay sa buong Pilipinas ang kaya na hindi umasa sa national government.

“How do you think that smallest political unit of our society can contribute to the overall development of this country? Kailangan po nating tulungan ngunit hindi po natutupad. ‘Yung decentralization, ‘yung autonomy na sinasabi ng batas. Sapagkat may sablay nga po ang pagpapatupad nito,” aniya.

Ilan lamang ‘yan sa mga dati nang batas na dapat na higpitan ang pagpapatupad.

Sa karanasan niya bilang Congressman, kulang ang isang termino para maisabatas ang isang panukala.

Kaya sayang kung hindi ito maipatutupad nang tama.

“Hindi po maganda na makagawa tayo ng napakaraming batas ngunit parang ilalagay lang natin sa cabinet. Napakatagal po ng proseso, napakamagastos ng paggawa ng mga batas,” dagdag nito.

Nauna nang tumakbong senador sa 2022 elections si Marcoleta pero nag-withdraw sa huling bahagi ng kampanya.

Tiniyak naman ni Marcoleta na walang atrasan ang kaniyang kandidatura.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble