AYAW pang kumpirmahin ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang impormasyon sa posibleng terror attack sa bansa.
Ito’y matapos lumabas ang babala ng Foreign Ministry of Japan sa mga mamamayan nito na iwasan muna ang anim na bansa sa Southeast Asia kabilang na ang Pilipinas dahil sa posibleng terror attack.
Ayon kay AFP Spokesman Col. Ramon Zagala, sa mga telebsiyon at pahayagan lang nila nababasa at nalalaman ang naturang impormasyon.
Wala din silang na-monitor na anumang posibleng terror attack sa bansa.
Sa kanilang panig, wala pang natatanggap ang AFP na pormal na pakikipag-ugnayan ng Japanese Embassy sa bansa hinggil sa babala.
Kung sa lebel ng anumang banta ng terorismo ang pag-uusapan, iginiit ng AFP na nananatili pa ring nasa moderate level ito.
Dagdag pa ng Foreign Ministry of Japan, may nakuha umanong impormasyon na posible rin ang suicide bombing.
Bukod sa Pilipinas, kabilang rin sa ulat ang mga bansang Indonesia, Singapore, Malaysia, Thailand at Myanmar.
Sa kabila ng kahandaan ng bansa sa seguridad nito sa mamamayan, aminado ang AFP na hindi madali ang usapin ng terorismo sa bansa kung hahayaan lang ito ng publiko, ibig sabihin mahalaga aniya ang pakikipagtulungan ng taumbayan.
Naniniwala din ang opisyal sa patuloy na pamamayagpag ng terorismo at extremism sa bansa ay malalim na usaping sosyal at ekonomikal na dapat sinasagot ito ng mga lokal na pamahalaan ng bansa.
Mungkahi pa nito, tugunan ang problema ng kahirapan at iba pang pangangailangan ng mamamayan upang hindi maging pabalik balik ang problema.
Para lalong mapanatag ang pangamba ng karamihan hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba pang mga bansa na may kaparehong banta sa seguridad, naniniwala ang AFP na kinakailangan din ang mas malakas na kooperasyon ng mga karatig rehiyon sa Asya para mapigilan ang ganitong problema sa seguridad.
Sa huli, muling iginiit ng AFP na walang dapat ipangamba ang publiko gayunman nananatili ang pag-iingat ng pamahalaan katuwang ang mga kasundaluhan at kapulisan para tiyaking ligtas ang mga mamamayan.
BASAHIN: Balikatan, malaking tulong sa AFP— DND Chief Lorenzana