HINDI mapigilang lumuha at maging emosyal ng mga dumalo sa graduation day ng City University of Pasay (CUP) nitong Lunes ng hapon sa Philippine International Convention Center.
Ito ay habang umaakyat ang mag-ina na sina Aling Elizaldes at Darlene sa entablado bitbit ang isang picture frame ng pumanaw nilang anak at kapatid na kabilang sa mga nagtapos.
Personal nilang tinanggap ang diploma ni Ruffa Mae Gurabil sa kursong Bachelor of Science in Political Science.
Pumanaw si Ruffa Mae ilang araw bago ang graduation dahil sa sakit na thyroid cancer.
Masipag at determinado kung isasalarawan ni Aling Elizalades ang kaniyang anak na kahit may nararamdamang sakit aniya ay hindi ito naging hadlang sa kaniyang pag-aaral at para abutin ang kaniyang pangarap na maging abogado.
“Mabait po ‘yun. Wala akong masasabi. Sobrang bait at sipag po niya,” ayon kay Elizaldes Gurabil, Ina ni Ruffa Mae.
Pero kasabay aniya ng pagpanaw ng kaniyang anak na si Ruffa Mae ay mga pangarap na unti-unting nawawala.
“Masaya po na malungkot kasi dapat siya ang nandito,” wika ni Elizaldes Gurabil, Ina ni Ruffa Mae.
“Yung pag-aaral ng kapatid niyang dalawa at tsaka yung pangarap niya na magkaroon ng tirahan ng sarili,” dagdag ng Ina ni Ruffa Mae.
“Sabi niya, ‘Hayaan mo mama kapag ako nakapagtapos, una ko pong kunin ‘yung titirhan natin para hindi na tayo palayasin,” aniya pa.’
Ang kaniyang kapatid na si Darlene, mas piniling dumalo sa graduation ng kaniyang ate kaysa sa umattend ng kaniyang moving up ceremony sa Senior High School.
“Hindi po ako nagmoving up kasi po mas gusto ko pong makasama yung ate ko at makuha ‘yung diploma ng ate ko,” ayon naman kay Darlene Gurabil, Kapatid ni Ruffa Mae.
“Ate maraming salamat po talaga sa mga bagay na binibigay mo sa amin. Sorry kasi hindi ako naging mabuti,” ani Darlene.
Hindi rin mapigilang maging emosyonal ng mga classmate ni Ruffa Mae.
Hindi anila sila makapaniwala na ang kanilang kaklase at kaibigan na may mataas na pangarap sa buhay at para sa pamilya ay hindi nila kasabay na gagradweyt.
“Very cheerful and very positive attitude po talaga siya. Never ko siyang nakitang malungkot, nagagalit, at tsaka nandiyan siya na laging nagbibigay advice sa amin,” wika ni Ann Vidad, Classmate ni Ruffa Mae.
“Siya rin po ‘yung masasabi kong babaeng sobrang lakas ng loob. Hindi niya po ipinapakita kahit kanino nahihirapan siya. Tulad rin po ngayon po nangyari sa kaniya. Lagi niya pong sinasabi sa amin na kaya niya po,” ayon naman kay Ralph Kenneth Macaraeg, Classmate ni Ruffa Mae.
Ipinangako naman ng Pasay City government ang tulong sa naulilang pamilya ni Ruffa Mae.
“Nag-usap po kami kagabi ng kaniyang nanay para po kung ano naman ang kaniyang pangangailangan pa, nandidito po kami na nakahandang sumuporta sa abot ng aming makakayanan para po sa kaniyang maayos at magandang paglibing,” pahayag ni Mayor Imelda Calixto-Rubiano, Pasay City.