TULUYAN nang ipinatupad ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang notice to vacate para sa mga ilegal na nakatira sa loob ng Philippine Village Hotel (HVL) matapos mai-turn over sa MIAA.
Martes ng umaga nang gibain ang kandado at buksan ni Sheriff Randy Leviste ng Metropolitan Trial Court Branch 45 ng lungsod ng Pasay ang gate ng inabandonang PHV higit dalawang dekada na ang nakalilipas.
Sa bisa ng notice to vacate, nakapasok ang mga opisyal at personnel ng MIAA at mga law enforcement agency para makuha ang pagmamay-ari nito sa Philippine Village Hotel PVH.
At nagsagawa rin ng inspection sa loob ng hotel.
Matatandaan, ilang dekada nang sarado at abandonado ang hotel dahil sa iba’t ibang legal issues.
Ang lupa na pinagtayuan ng PVH ay dating pagmamay-ari ng Nayong Pilipino kung saan nangungupahan sila rito.
Nagkaroon ng pagkakautang sa renta ng lupa ang naturang hotel.
Sa ilalim ng Executive Order 58, nailipat ang ibang bahagi nito sa MIAA at ang ibang bahagi ay sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ayon din kay MIAA OIC Bryan Co, plano nilang palawakin ang NAIA Terminal-2 hanggang sa masaklaw nito ang lupa ng PVH.
Bahagi sa ipatutupad na modernisasyon ng NAIA ang lugar ng dating hotel.
Samantala, ayon naman kay Sheriff Leviste, sobrang bulok at walang gamit na mapakikinabanggan sa loob ng PVH.
Hindi rin ligtas na pasukin ang hotel.