Inagurasyon ni President Bongbong Marcos Jr. mapayapa – PNP

Inagurasyon ni President Bongbong Marcos Jr. mapayapa – PNP

NAGPASALAMAT ang buong pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng matagumpay ng pagdaraos ng inagurasyon para kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Maayos ang naging kabuuang pagdaraos ng inagurasyon ni President Marcos na ginanap sa National Museum.

Sa kabila ng mga inaasahang banta sa seguridad kaugnay sa makasaysayang okasyon na ito, hindi nagpatinag ang kapulisan para mapanatiling mapayapa at maayos ang kabuuang seremonya.

“Ito na ang resulta sa 26 days na preparation at kasama na doon iyong mga simulation exercise, kasama na doon iyong mga contingency plan, kasama na rin doon iyong paghahanda namin sa eventuality na mangyari at iyon nga masasabi kong very successful dahil until now nandito ako sa area ay wala pang untoward incident na recorded sa iba’t ibang mga area commanders,” pahayag ni PBGen. Leo Francisco, Director, Manila Police District.

Naniniwala ang PNP na hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa pakikipagtulungan ng publiko sa mga awtoridad.

“Siguro, sabi ko ay ang pakikipag-ugnayan, pakikipag-usap at pagsasama-sama ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na kaya pala kapag tayo ay nagsama-sama,” ani Francisco.

Sa kabilang banda, bukod sa pakikiisa ng mga mamamayan, pinasalamatan din ng PNP ang pakikiisa at pagsunod ng mga raliyista para magsagawa ng kani-kanilang mga pagtitipon kasabay ng inagurasyon ng bagong pangulo ng bansa.

“Nagkaroon ng magandang pakikipag-usap sa kanila, kaya pinayagan natin silang magbigay ng hinaing sa may Plaza Miranda at dito naman sa Liwasang Bonifacio, ang mga pro-government na mga tao na gustong magbigay ng suporta naman sa inagurasyon na ito,” ani Francisco.

Matatandaang, umabot sa mahigit na 18 libong kapulisan at force multipliers ang ipinakalat ng PNP sa buong Metro Manila kasama ng pagtitiyak na magiging maayos ang pagdaraos ng mahalagang araw na ito sa kasaysayan ng bansa.

 

BASAHIN: 30,000 katao, inaasahang dadalo sa inagurasyon ni PBBM ngayong araw

 

Follow SMNI News on Twitter