MAILALARAWAN bilang simple pero makabuluhan ni DILG Secretary Eduardo Año ang isasagawang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año tatagal lamang ang seremonya ng dalawang oras.
Sisimulan ito ng isang military at civic parade na susundan ng inagurasyon at oath-taking ni BBM.
Pagkatapos ay magbibigay na ng mensahe ang bagong pangulo ng bansa sa publiko.
Plantsado na rin ayon kay Año ang seguridad para sa gaganaping inagurasyon dalawang araw bago ang makasaysayang seremonya.
Aniya, hindi nila hahayaang makapanggulo ang mga teroristang grupo at ibang masasamang elemento sa inagurasyon ni PBBM.
Nakalatag na ang mga checkpoints at chokepoints sa lahat ng entry points ng Maynila.
Nagsimula na kahapon ang gunban sa NCR na tatagal hanggang Hulyo 2.
Idedeploy na rin ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 18,000 na tauhan ng Task Force Manila Shield mamayang madaling araw.
Hindi ipagbabawal ang pagsasagawa ng rallies sa araw ng inagurasyon.
Pero papayagan lamang sila na ipahayag ang kanilang saloobin sa mga itinalagang freedom parks sa Maynila kabilang ang Plaza Miranda, Plaza Dilao, at Liwasang Bonifacio.
May mahigpit naman na paalala ang Manila Police District sa kanila.
May naka-standby naman na mga bus ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa mga freedom parks.
Samantala, ang Manila LGU pa lamang ang nagdeklara ng holiday sa darating na Hunyo 30.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, pag-uusapan pa ng Metro Manila LGUs sa kanilang sanggunian ang posibleng deklarasyon ng holiday sa araw ng inagurasyon.