Indonesia, nagsagawa ng 2024 General Elections

Indonesia, nagsagawa ng 2024 General Elections

NAGSAGAWA ng general elections ang Indonesia kung saan bumoto ang mga residente sa susunod na mamumuno sa gobyerno nito.

Makikita na nakilahok din sa pagboto si President Joko Widodo sa eleksiyon na nagaganap ngayon sa Indonesia.

Ang kaniyang panganay na anak na si Gibran ay tumakbo kasama si General Prabowo Subianto, na siyang Defense Minister din ni Widodo.

Bumoto si Widodo sa maliit na polling station sa Central Jakarta at nagpahayag na umaasa ito ng malinis, tapat, at ligtas na eleksiyon.

Samantala, sa Jakarta pa lamang ay walong milyong residente na ang nakilahok sa halalan.

Matatandaan na ang Indonesia ay nagsasagawa ng general election tuwing limang taon kung saan inihahalal ang presidente at bise presidente.

Ang tatlong pares ng kandidato para sa 2024 Elections ng Indonesia ay sina Defense Minister Prabowo Subianto at Mayor ng Surakarta na si Gibran Rakabuming Raka, dating gobernador ng Central Java na si Ganjar Pranowo at dating coordinating minister ng Political, Legal and Security Affairs na si Mohammad Mahfud Mahmodin, at ang dating gobernador ng Jakarta na si Anies Baswedan at chairman ng National Awakening Party na si Muhaimin Iskandar.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter