INIHAYAG ng Palasyo ang naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force kaugnay sa classifications sa National Capital Region (NCR) Plus areas.
Inilahad ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang mga classification ng pagbubukas ng mga negosyo sa NCR, Bulacan at Rizal.
Batay sa naging rekomendasyon ng IATF, pinapayagan ng magbukas sa 50 percent capacity ang mga indoor sports courts.
Kabilang din ang mga personal care service tulad ng salons, parlors at beauty clinics ang pinahihintulutan sa 50 percent capacity partikular sa mga nabanggit na lugar.
Kaugnay rito, sinabi ni Roque na maari na ring magbukas sa 40 percent capacity ang mga tourist attractions, indoor tourist attractions at iba.
Ayon sa kalihim, kabilang din sa pinapayagan sa 40 percent ang meeting at conference venues, indoor dining habang 10 percent naman para sa social events.
Binigyang-diin ng kalihim ang pagpapanatili sa pagsunod ng mga health protocols katulad ng facemask at face shield partikular sa mga customers.
Samantala, nanatili pa rin sa general community quarantine restrictions ang mga nabanggit na lugar hanggang Hulyo 15 habang naka-heightened restrictions ang lalawigan ng Cavite at Laguna.
Dagdag ni Roque ang Baguio, Ifugao, City of Santiago, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Batangas, Quezon, Guimaras, Aklan, Bacolod City, Negros Occidental, Antique at iba pa ay kanilang isinailalim din sa GCQ.
Nasa ilalim naman ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang probinsya ng Cagayan, Apayao, Bataan, Lucena, Puerto Pincesa, Naga, Iloilo, Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Cagayan de Oro, Davao City, Davao Oriental at ipa ba.
Pinaalalahanan ng Pangulo ang publiko sa mahigpit na pag-obserba sa social distancing, facemask at face shield upang maiwasan ang hawaan lalong-lalo na sa nakakahawang Delta variants.