MAS bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan mula 4.1 porsiyento noong Nobyembre, nasa 3.9 porsiyento na lang ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Disyembre 2023.
“Yung ating inflation 3.9%, of course, alam natin nitong year mataas ano. This was the slowest since February 2022 wherein the headline inflation was recorded at 3.0%,” ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician.
Ilan sa mga dahilan ng pagbagal ng inflation ay ang mas mabilis na pagbagal ng presyo ng kuryente, LPG, mga gulay gaya ng repolyo, karne ng manok, at kape.
Pero hindi ito ramdam ng mga mamimili lalo na ng mga may-ari ng karinderia.
“Hindi po kasi ang baba naman nila konti lang. Hindi naman gaanong bagsakan ang presyo nila. Lalo na mag-December, ang manok at baboy nagtataasan na,” ayon kay Felly Bata, may-ari ng karinderia.
“Hindi ko naramdaman. Mataas pa rin. Araw-araw akong bumibili ng gulay karne. ‘Yung gulay, yung repolyo bumaba. Pero yung iba ang tataas,” ayon kay Aurora Ablay, may-ari ng karinderia.
Presyo ng bigas, tumaas nitong December 2023
Bumagal man ang kabuuang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pero mayroon pa ring nagmahal gaya ng bigas.
Sumipa sa 19.6 porsiyento ang inflation rate para sa bigas sa bansa nitong December 2023 sabi ng PSA.
“Medyo tumaas ito. Noong September ito ‘yung unang spike, 17.9%. Then bumaba siya noong October, 13.%. November tumaas, 15.8% and now December 19.6%. And last highest rice inflation ay noong March 2009 na umabot ng 22.9%,” dagdag ni Usec. Mapa.
Kaya si Aling Felly, binabawasan niya na lang ang serving sa ibinibentang kanin para makabawi.
“Binabawasan ‘yung takal para kumikita sa benta ng kanin. Para may pambili uli ng bigas. Wala lugi ka. Lalo na napupunta sa puhunan, wala na kaming tubo,” ani Felly Bata.
Batay sa monitoring ng PSA, mas tumaas ang presyo ng bigas nitong Disyembre ng 2023. Iyan ay kung ikukumpara sa kaparehong panahon ng 2022.
“Nakita namin medyo mataas talaga ‘yung pag-akyat ng presyo ng bigas sa lahat ng commodity items na tinatrack namin,” ani Mapa.
Presyo ng bigas, posibleng tumaas ngayong Enero 2024—SINAG
Posibleng tumaas pa ang presyo ng bigas ngayong Enero ng 2024, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Babala ng SINAG na maaaring tumaas sa P2/kg ang presyo ng well-milled rice sa merkado kung saan aabot sa P54/kg hanggang P56/kg ang presyuhan.
Ang dahilan nito ay ang pagtaas ng farm gate price ng palay.
”Yung sa farm gate ngayon, tumaas ‘yung farm gate ‘yung delivered sa miller is P31.50 so ang equivalent nun kung palay to rice delivered na so nasa almost P50 na ang delivered sa Manila. ‘Yung world market kasi ng Thailand at Vietnam tumaas. So, automatic tataas ‘yung imported ‘di ba?,” ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman, SINAG.
Pero sabi ng Department of Agriculture (DA) na wala naman dapat ikabahala dahil tuluy-tuloy naman ang pagdating ng inangkat na bigas na nasa kabuuang 495,000 metric tons.
Sa pamamagitan nito ay masisiguro ang kasapatan sa suplay at mararamdaman ang mababang presyo ng bigas.
“Sa ngayon, we need to secure talaga ‘yung suplay alam natin na magkakaroon din ng El Niño there will be additional challenge doon sa level natin sa productivity and we need to ensure na una mayroon tayong enough supply,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.