Inflation sa Pilipinas, mas bumilis sa 6.1%

Inflation sa Pilipinas, mas bumilis sa 6.1%

MAS bumilis pa ang ang inflation nitong buwan ng Setyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa ulat ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, bumilis ang usad ng presyo ng bilihin at serbisyo sa 6.1% noong Setyembre.

Ito ay mas mabilis kung ikukumpara sa 5.3% noong Agosto.

Paliwanag ni Mapa na ang pangunahing dahilan ng pagbilis ng antas ng inflation ay ang mabilis na pagtaas ng presyo sa pagkain at non-alcoholic beverages.

Mula 8.1% noong Agosto, mas bumilis ito sa 9.7% nitong Septyembre.

‘‘Ang nag-ambag ng malaki sa pagtaas ng food at non-alcoholic beverages ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng cereals at cereal products na may 14.1% na inflation. Ang halimbaw nito ay bigas,’’ ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician.

 Inflation sa bigas, bumilis sa 17.9% sa kabila ng price cap

Sa kabila ng ipinatupad na price cap ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sumipa sa 17.9% ang inflation ng bigas ng bansa noong Setyembre na pinakamataas mula noong Marso 2009.

Kung naging epektibo ba ang price cap sa pagpapababa ng presyo ng bigas, ito ang naging tugon ni Mapa.

‘‘Hindi natin masasabi yung causality kung mayroon talagang effect o wala yung price cap. I supposed this is a research question that researchers would study based on the data that we are collecting,’’ tugon pa ni Usec. Mapa.

Paliwanag pa ni Mapa na halo-halo ang resulta na kanilang pagdating sa compliance ng mga rice retailers sa naturang utos.

‘‘Mixed yung result sa compliance. Nakita namin doon sa price cap na may mga outlets na nagkaroon. May mga outlets naman puwedeng may isang variety sila na doon sa P41 doon sa regular milled or P45 pero ‘yung ibang varieties ay mas mataas,’’ pahayag pa ni Usec. Mapa.

Batay sa PSA, sa 2601 variety ng regular milled na kanilang namonitor nila, 640 lamang ang nasa ₱41 kada kilo.

Para sa well-milled rice naman, nasa 20% lang o 687 sa 3,498 na kanilang namonitor ang nakapaloob sa ₱45 kada kilo.

Sa buong bansa, inilahad ni Mapa na ang average price para sa regular milled ay nasa ₱47.50 kada kilo habang ₱52.70 para sa well-milled rice.

NEDA, tiniyak ang ayuda ng gobyerno habang mataas ang presyo ng mga bilihin

Samantala, tiniyak naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa publiko na patuloy na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga vulnerable sector habang nanatiling mataas ang presyo ng mga pagkain.

“The government is committed to providing targeted assistance to affected vulnerable segments of the population while food prices remain elevated,” ayon pa kay Secretary Arsenio M. Balisacan, National Economic and Development Authority.

Maliban sa suportang pinansyal para sa mga mamamayan sa pamamagitan ng Food Stamp Program at cash subsidy para sa nga magsasaka, nagbigay din ang pamahalaan ng fuel subsidy sa mga namamasada.

Ipinagpaliban din ang pagkolekta ng road fees upang mabawasan ang transport cost ng mga produkto sa bisa ng Executive Order 41.

Follow SMNI NEWS on Twitter