Infrastructure projects at power sector, kabilang sa maaaring paglagakan ng Maharlika Investment Fund – Rep. Tieng

Infrastructure projects at power sector, kabilang sa maaaring paglagakan ng Maharlika Investment Fund – Rep. Tieng

IBINAHAGI ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries chair at Manila 5th District Representative Irwin Tieng ang nakapaloob sa new version ng proposed Maharlika Investment Fund.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Tieng na mahalaga ang Maharlika Investment Fund dahil makikita rito na ang investable funds ng gobyerno ay maaaring mailagay o mai-invest sa infrastructure projects.

“Actually, infrastructure is just one of the projects na puwedeng paglagyan ng pondo na ito. So, makikita naman natin po na tayo po pagdating po sa mga malalaking infrastructure project na malaki po ang kita, kung mapapansin ninyo po iyong iba doon ay foreign-funded – kumbaga inutang natin sa abroad. Bukod dito, makakadagdag o makalilikha pa ito ng trabaho sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni Tieng.

Binigyang-diin ng mambabatas na layunin ng Maharlika Investment Fund ang magkaroon ng pondo o ipon na puwedeng i-invest at kumita.

Kasabay nito, makatulong din ito pagdating sa infrastructure development ng bansa.

Maliban sa imprastraktura, isa rin sa tinitingnan na magandang paglagakan ng Maharlika Fund ang sa power sector.

“Isa sa mga nakikita po kasi natin, nababanggit din po ng mga authors natin na isa sa mga tinitingnan nilang pag-iimbisan (invest) nitong Maharlika Investment Fund natin ay sa power sector, kasi nakita na nga natin na napakataas ng kuryente natin. Sinabi rin po nila sa atin na tinitingnan nila ang pag-i-invest sa fuel, sa oil, para mapababa po iyan; sa agriculture, para bumaba rin po iyong [presyo ng] produkto natin,” ayon kay Tieng.

Samantala, kabilang sa mahalagang amendment sa panukalang ito ay ang penal provisions.

Inilahad ng mambabatas na sa ginanap na House committee hearing, nagkaroon ng mga komento ang mga ibang stakeholders at mga kongresista.

Nagkaroon aniya ng kasunduan na maglagay ng penal provisions kontra katiwalian.

Sinabi pa ni Tieng na mayroon pang plano ang ibang authors ng panukala na taasan pa ang penal provisions na ito.

“So, nagkaroon po ng agreement na maglagay po ng penal provision para po doon sa mga nagtatanong para po kapag na-mismanaged iyong pondo, may magawang katiwalian – ano po iyong isagot natin? So ito po iyong sagot natin, mayroon na po tayong mga penal provision, and sa pagkaalam ko po, may balak pa po ang ibang authors natin na taasan pa po itong mga penal provisions na ito,” ani Tieng.

Nakasaad din sa substitute bill ng Maharlika Investment Fund na 20% ng kita rito ang ilalaan para sa social welfare projects ng pamahalaan.

Muli pang iginiit ng mambabatas na ‘at the end of the day’ ay kikita at makikinabang ang lahat ng mga Filipino sa Maharlika Investment Fund.

“Pero maganda po iyong nilagay ng author natin na nilagyan niya ng 20% ng kita ay mapupunta sa national government para sa mga social welfare projects. So ito po, ang kagandahan nito ay diretsong pakinabang po sa atin sa pamamagitan ng mga—Ako, tinatanong ako: “Ano ba iyong social welfare?” Sa akin kasi sa distrito namin, ang laking tulong po ng ayuda. So ako, kung ako po ang tatanungin, iyon po ang isa-suggest ko na sana ay in the form of social assistance/ayuda,” dagdag ng mambabatas.

Inihayag pa ni Congressman Tieng na lahat ng maaaring paglagakan ng Maharlika Fund ay pagdedesisyunan pa ito ng board of directors at ng investment fund managers.

Bilang chairman ng Committee on Banks, umaasa si Cong. Tieng na bago ang Christmas break, ay maipasa ang proposed Maharlika Investment Fund ‘with the amendments’ ng panukala.

Sakali namang hindi maihabol, tiniyak naman ng mambabatas na isusulong ang panukala sa susunod na taon.

Follow SMNI News on Twitter