Ingay sa politika, ‘di makaaapekto sa paghikayat ng foreign investors sa bansa—DOF official

Ingay sa politika, ‘di makaaapekto sa paghikayat ng foreign investors sa bansa—DOF official

SA kabila ng umiigting na tensiyon sa politika sa Pilipinas, ay iginiit ng Department of Finance (DOF) na mas insulated ang mga foreign investor mula sa usaping ito.

Sinabi ito ni DOF Chief Economist Undersecretary Domini Velasquez base sa kanilang pakikipag-diyalogo sa mga foreign investor.

Hindi man maipagkakaila na nababasa at nababalitaan ng mga dayuhang mamumuhunan ang mga nangyayari sa Pilipinas, sa palagay ni Velasquez, hindi ito ang kanilang tinitingnan.

“But I think hindi iyon masyado nagma-matter, kasi we’ve proven ourselves na actually we’re beyond this political noise,” wika ni Usec. Domini Velasquez, Chief Economist, DOF.

Ipinunto ng opisyal na pagdating sa usapin ng pamumuhunan, ang tinitingnan ng foreign investors ay ang economic strength ng Pilipinas.

Kasama rin ang naipasang economic reforms ng bansa, tulad na lamang ng CREATE MORE law na malaking tulong umano sa pag-akit pa ng maraming investors sa bansa.

“Parang kumbaga, kaya tayo mayroong positive outlook from S&P is because may track record na tayo na nagagawa natin ito, kahit ano pang political noise. It’s not just this administration ‘di ba, before nagkaka-upgrade na tayo,” ayon kay Usec. Domini Velasquez, Chief economist, DOF.

Sa kabilang dako, may tugon din si Go Negosyo Founder Joey Concepcion hinggil sa tanong kung paano nakaaapekto sa ekonomiya at mga negosyo ang ingay sa politika sa bansa.

Aniya, tiwala siyang lilipas din ang mga usaping ito at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagtutok sa ekonomiya.

“Well, unfortunately, of course you have the situation ngayon. Pero, I think regardless of that, we should remain focused on our economy. I think all of these things will eventually pass,” saad ni Joey Concepcion, Founder, Go Negosyo, Private Sector Lead for Jobs.

Una nang nanindigan ang economic team na “business as usual” sa kabila ng umiigting na tensiyon sa politika.

Tiniyak naman ng mga ito na magpapatuloy ang operasyon ng gobyerno gayundin ang pagsisikap na makamit ang target “A” rating.

Kaugnay rito, ikinatuwa ng economic team ang mataas na credit rating ng S&P Global  Ratings sa Pilipinas na BBB+ “positive” outlook.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter