Inisyal na pinsala ng Bagyong Karding sa sektor ng agrikultura, umabot sa higit P160-M –DA

Inisyal na pinsala ng Bagyong Karding sa sektor ng agrikultura, umabot sa higit P160-M –DA

UMAABOT sa P160.1 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa latest initial assessment ng Department of Agriculture (DA).

Ayon sa DA nasa 3,780 na magsasaka ang naapektuhan sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON at Bicol Region.

Nasa 16,659 ektarya ng agricultural areas ang nasalanta ng bagyo at nasa halos 6 na libong metriko toneladang agri products ang napinsala.

Kabilang na rito ang mga palay, mais, at high value crops.

Asahan pang tataas ang estimated production loss habang nagpapatuloy ang pagsasagawa pa ng validation ang DA-Disaster Risk Reduction Management Operation Center.

Dagdag pa ng ahensiya,  inihahanda na nila ang ipamamahaging tulong sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Kabilang na ang mga sako-sakong binhi ng palay, mais, at gulay.

Mayroon ding gamit at biologics para sa livestock at poultry.

Mamahagi rin ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mga fingerlings at kagamitan sa pangingisda.

Magpapahiram din ang ahensya ng loan sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program of the Agricultural Credit Policy Council.

At maglalabas sila ng P500 milyon pondo para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar sa ilalim ng Quick Response Fund (QRF).

Pinaalalahanan naman ng DA Disaster Risk Reduction Management Operations Center ang mga apektadong magsasaka at mangingisda na antabayanan pa ang karagdagang update mula sa official Facebook page ng DA o di kaya’y tumawag sa kanilang mga numero sa (02) 8929-0140.

Follow SMNI NEWS in Twitter