SA pagpasok ng buwan ng Abril ngayong taon ay posibleng makararanas ang Metro Manila ng matinding init ng panahon kaya’t pinayuhan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko na huwag lalabas ng bahay kung walang mahalagang gagawin.
Sa isinagawang pulong balitaan ng QC Journalist Forum, sa QC Hall, sinabi ni Director Ana Liza Solis ng Climatology and Agrometeorology Division ng PAGASA, kung maaari ay huwag nang lumabas ang publiko lalo na sa may mga sakit na high blood sa buwan ng Abril hanggang Mayo.
Aniya ito ang buwan ng maalinsangang panahon na aabutin ng 40 degrees Celcius sa Cagayan Valley.
Ang init factor naman sa Metro Manila na mula 37 degrees ay madagdagan ng 5 degrees o mahigit sa 40 degrees ang init factor dahil sa matinding impact ng El Niño sa naturang mga buwan.