Initial na imbestigasyon sa Uvalde School shooting ilalabas sa Hulyo

Initial na imbestigasyon sa Uvalde School shooting ilalabas sa Hulyo

INAASAHANG makukumpleto ang isang paunang ulat sa pagsisiyasat sa kalagitnaan ng Hulyo, ayon sa Texas House Investigative Committee, na nakatuon sa kagimba-gimbal na mass shooting na naganap sa Robb Elementary School.

Ang imbestigasyon sa pamamaril ay sinimulan matapos na patayin ng 18 taong gulang na suspek na si Salvador Ramos ang kabuuang 21 katao noong Mayo 24.

Binatikos ng marami ang naging tugon ng pulisya sa pamamaril pagkatapos ng trahedya, na siyang pangalawa sa pinaka-nakamamatay na mass shooting sa isang paaralang K-12 sa Estados Unidos.

Matatandaang unang naitala ang kagimba-gimbal na pamamaril sa Sandy Hook Elementary School taong 2012 sa Newtown, Connecticut.

Sa ngayon, natapos nang tumestigo ang mga miyembro ng Texas Department of Public Safety, Uvalde Consolidated Independent School District o CISD Police Officers, ang Uvalde CISD Superintendent, ang Principal ng Robb Elementary, isang guro, at custodial staff sa isang closed-door investigation sa loob ng 3 araw.

Inaasahang marami pa ang tetestigo ngunit kung hindi sila kusang pupunta sa imbestigasyon, kinakailangang maglabas ng subpoena ang komite upang pilitin ang mga indibidwal na tumestigo, at maaari itong magpatagal pa sa binubuong ulat ukol sa trahedya.

Ang layunin ng investigative committee na ito ay upang masiwalat ang katotohanan, bagama’t 2 komite pa ang naatasang gumawa ng mga lehislatibo sa mga susunod na araw.

Follow SMNI NEWS in Twitter