GINUNITA nitong Nobyembre 25 ang 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW).
Ang kampanyang ito ay nananawagan ng pagkakaisa ng lahat ng kasarian at sektor ng lipunan para tuluyang wakasan ang anumang anyo ng karahasan sa mga kababaihan.
Kaugnay ng nasabing kampanya, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na mula Enero 1 hanggang Nobyembre 30 ngayong 2024, may kabuuang mahigit labing isang libo at animnaraan (11,636) ang naitalang insidente ng karahasan sa kababaihan sa bansa.
Sinabi ni PLtCol. Andree Deedee C. Abella, Officer-in-Charge ng Anti-Violence Against Women and Children Division, PNP Women and Children Protection Center, na mula sa bilang na ito, nasa lagpas labing isang libo at limang daan (11,522) ang na-clear na kung saan 7,025 dito ay nalutas na at 114 ang iniimbestigahan pa.
“So, when we say cleared, at least one of the suspects is identified and a case has been filed; while when the suspect is arrested, case has been filed then it’s considered solved. So, iyong cleared po is including na po doon kasama na po doon iyong solved,” saad ni PLtCol. Andree Deedee Abella, OIC, Anti-Violence Against Women & Children Division, PNP Women & Children Protection Center.
Karahasan laban sa kababaihan, nananatiling isang global pandemic ayon sa Philippine Commission on Women
Inihayag naman ng Philippine Commission on Women Chairperson na si Ermelita Valdeavilla na ang karahasan laban sa kababaihan ay nananatiling isang global pandemic.
Ito ay nakakaapekto sa tinatayang 641 milyong indibidwal sa buong mundo.
Sa 2022 National Demographic and Health Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), halos isa sa limang kababaihang Pilipino ang nakaranas ng karahasang emosyonal, pisikal o sekswal sa kamay ng kanilang kasalukuyan o pinakahuling intimate partner.
“The men they loved and who vowed to protect them have become women’s primary source of fear. Imagine being in the midst of 641 million faces with bleeding lips, bruised faces, injured eyes, broken nose, sliced fingers and a crushed dignity and a tattered spirit – imagine that,” wika ni Ermelita Valdeavilla, Chairperson, Philippine Commission on Women.
Pamahalaan, inilatag ang mga inisyatibo para maprotektahan ang karapatan at dignidad ng mga kababaihan
Inilahad naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Atty. Elaine Fallarcuna na patuloy silang nag-aayos ng mga inisyatibo at nagtatag ng mas malakas na mga sistema upang maprotektahan ang mga karapatan at dignidad ng mga kababaihan at kanilang mga anak.
Sa pamamagitan ito ng mga pinagkaisang pagsisikap ng mga miyembro ng inter-agency kapwa mula sa pambansa, rehiyonal, at lokal na antas.
Kabilang sa mga hakbang ng ahensiya ang pagtatatag ng barangay Violence Against Women desks sa halos apatnapung libong (39,619) mga barangay sa buong bansa na nagsisilbing unang responders sa mga kaso ng pang-aabuso.
Dagdag pa rito, patuloy na pinatitibay ng konseho ang mga referral system tulad ng VAW Referral Service na nagsisiguro sa victim-survivors na magkaroon ng access sa social support, legal assistance, medical services at temporary shelter.
“Our programs and services include counselling services for the rehabilitation of perpetrators of domestic violence. This community-based intervention targets male perpetrators of domestic violence offering counselling sessions aimed at transforming abusive behavior and breaking the cycle of violence,” ayon kay Asec. Elaine Fallarcuna, DSWD.
Sa bahagi naman ng Department of Justice (DOJ), sinabi ni Assistant Secretary Michelle Ann Lapuz na naglunsad rin ang kagawaran ng samu’t saring kampanyang pang-edukasyon upang mapag-alaman ang iba’t ibang uri ng karahasan sa kababaihan.
Una, ay ang premier ng ‘Bawal ang Bastos video’ kung saan binigyang-diin ang pangako ng kagawaran sa ganap na pagpapatupad ng safe spaces act.
“To address the root causes of proliferation of violence such as cultural stigmas and victim blaming attitudes that hinder reporting and seeking help for victims of violence, the department launched its nationwide campaign targeting grassroots communities through its barangay IACAT program,” ayon kay Asec. Michelle Ann Lapuz, DOJ.
“Mga kapitbahay talagang ano po ‘di ba Marites ano. So, iyong mga Marites, siguro i-positivize natin na sa halip na pag-usapan lang nila iyong kanilang mga sariling opinion, tingnan din nila ano iyong mga factors na nagpapala doon sa dynamics noong mag-asawa, kasi mayroon po talagang mga drivers of violence eh, kagaya nga noong mga paglalasing, mga pagsusugal iyong wala laging pera, pinag-aagawan ang pera o pagdidisiplina sa mga anak,” wika ni Ermelita Valdeavilla, Chairperson, Philippine Commission on Women.