NABAHALA si Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto sa epektong dulot ng nakawan kamakailan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan sangkot ang mga personahe ng Office of Transport Security (OTS).
Ani Recto, ilang libong piso ang ninakaw ng OTS personnels sa isang pasahero, pero ‘milyun-milyon ang posibleng mawala sa ating ekonomiya.’
Kinuwenta naman ng mambabatas kung gaano kalaki ang pasahod ng mula sa buwis ng taumbayan sa mga taga OTS.
Ani Recto, ‘dahil may budget ito na P346 million sa taong 2023, lumalabas na gumagasta ang taxpayer ng halos P1 milyon kada araw para sa pasweldo at operations ng OTS.’
Napupunta rin sa OTS ang parte ng kinokolektang NAIA terminal fee, na P300 mula sa domestic passengers at P750 naman kung sasakay ng international flights.
At dahil sa nangyari, nanganganib na mabokya ang Pilipinas na sana’y hatak ng mga turista ngayong taon na pinondohan ng P1.27-B ng Department of Tourism para sa branding.