Insidente ng sunog sa bansa, bumaba ng 24% dahil sa pandemya

ISANG buwan bago ang pagdiriwang ng Fire Prevention Month sa buwan ng Marso, maaga nang nagpapaalala ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection kaugnay sa insidente ng sunog.

Ang mga naiwang kandila o sulo, mga nakaligtaang sinaing o lutuin at buhol-buhol na kable ng kuryente ay ilan lamang sa mga bagay na nagiging madalas na dahilan ng sunog sa iba’t ibang panig ng bansa

Kaya naman madalas hindi pa man nagsisimula ang taon o di naman kaya habang nangangalahati ang taon, ay naitatala ang sunud-sunod na bilang ng insidente ng sunog.

Kaya naman paalala ng BFP, iwasan ang mga ito at mag-ingat sa mga kagamitan sa loob ng bahay.

Pero batay sa pag- aaral ng kagawaran, malaki ang naitulong mula nung pumasok ang pandemiya sa bansa, dahil sa nabantayan ng maigi ang mga kabahayan habang isinasailalim sa lockdown ang ilang parte ng bansa  at kasama na din ani Atienza ang regular na presensiya ng mga otoridad sa lahat ng dako ayon sa datos ng BFP.

Nito lamang nakaraang Kapaskuhan kung saan madalas malakas ang pagsipa ng insidente ng sunog, malalim ang ibinaba ng datos sa simula sa unang araw ng Disyembre hanggang sa araw mismo ng Pasko.

Ipinagmalaki din ang zero casualty at injury sa mismong pagpasok ng Bagong Taong 2021.

Sa kabilang banda, bagama’t limitado ang kilos ng kagawaran dulot ng pandemiya regular pa rin na makikipag-ugnayan ang BFP sa maraming mamamayan sa mga paalala nito kaugnay sa sunog.

Sa katunayan ginamit na nito ang social media para makahikayat ng maraming residente sa kahalagahan ng pag-iwas.

Ngayong taon, umaasa ang kagawaran na mas mapapabilis pa nito ang kanilang pagtugon sa mga insidente ng sunog sa bansa matapos mangako si Pangulong Duterte na suportado nito ang modernisasyon ng kanilang kagawaran.

Ayon sa tagapagsalita nito, 31 percent mula sa 76 percent acquired equipment gaya ng fire trucks ay pawang nasa mahigit dalawampung taon nang ginagamit ng kagawaran.

Bukod sa pagbabantay sa sunog, kasalukuyan ding tumutulong ang BFP sa COVID-19 response ng pamahalaan lalo na sa pangangasiwa sa mga pasilidad ng COVID-19.

Paliwanag pa ng BFP, mas paiigtingin pa nila ang information dissemination sa susunod na mga taon para lalo pang tumaas ang kamalayan ng publiko upang makaiwas sa sunog.

Matatandaang nitong buwan lamang, nasa limang insidente ng sunog na ang naitala sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, bagay na pinag-iingat dito ang publiko.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.